KAPIT-BISIG at handa na para sa muling pakikidigma ang Philippine Army-Bicycology Shop, kipkip ang misyon na makamit ang overall team championship, hindi man makasingit sa bawat stage sa pagratsada ng 2019 LBC Ronda Pilipinas simula sa Biyernes (Febrero 8) sa mapaghamong 197.6-kilometer Iloilo-Iloilo Stage 1.
Nawala man ang mga beteranong sina Sgt. Cris Joven, pumuwesto sa No.6 sa overall individual standing sa nakalipas na taon, gayundin sina Sgt. Merculio Ramos, Jr. at Sgt. Alvin Benosa , kumpiyansa si team manager at dating Olympian swimmer Eric Buhain sa kampanya ng Army-Bicycology na inilarawan niyang mga palaban.
“In last year’s edition, hindi naman ganoon kataas ang expectation namin sa team. But with sheer guts and determination, lumaban nang todo ang ating mga riders. Luckily, nakakuha ng stage win (3rd stage) si Cris Joven and all of the sudden mas naging palaban ang team,” pahayag ni Buhain, katuwang sa pangangasiwa ng koponan ang pakner na si John Garcia.
Hindi man nasundan ang stage three win ni Joven, hindi nagpahuli ang Army-Bicycology sa kabuaan ng 12-stage race para makuha ang No.2 sa overall team standings tangan ang kabuuang oras na 136:56:19 sa likod ng kampeong Navy (135:13:47). Pangatlo naman ang Go for Gold Developmental team (136:59:26.)
“With this new group, hopefully we can do much better and win the overall championship,” sambit ng dating Philippine Sports Commission at Games and Amusement Board (GAB) Chairman.
Makakasama nang natirang beterano sa koponan na sina Pfc. Marvin Tapic, Sgt. Reynaldo Navarro at veteran internationalist Sgt. Alfie Catalan ang mga bagong riders na sina Robinson Esteves, Warren Borders, Mark Julious Borders, at alternate rider Kenneth Lacuesta
“It’s a combination of youth and experience. With UCI ranking also at stakes for this year’s edition, mas tiyak na raratsada ang ating grupo,” sambit ni Buhain.
Sa pagtataguyod ng Union Cycliste Internationale (UCI) sa unang pagkakataon matapos simulan ang karera may siyam na taon na ang nakalilipas, nakalaan ang UCI points sa karera dahilan upang makilahok ang walong foreign teams na inaasahang magbibigay ng matinding hamon sa pitong local teams.
Bukod sa Army Bicycology, hahataw din ang Go for Gold, 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Phls, Team Franzia, Team Tarlac at Bike Xtreme , habang ang international team ay kinabibilangan ng Matrix Powertag Japan, Nex Cycling, Korail Team Korea, PGN Road Cycling Team, Sri Lanka Navy Cycle Team, Customs Cycling Indonesia, Terengganu Cycling Team at Cambodia Cycling Team.
Batay sa pinakabagong UCI qualification rule, mabibigyan na ang top 50 bansa ng direktang slots sa 2020 Tokyo Olympics at malaking ranking points ang kaloob ng LBC Ronda Pilipinas.
Mula sa Iloilo, raratsada ang mga riders para sa 101.8km Guimaras-Guimaras Stage sa Feb. 9, bago magbalik ang ruta sa Iloilo para sa 179.4km Iloilo-Roxas City Stage Three sa Feb. 10 kasunod ang 146.9km Roxas-Roxas Stage Four sa Feb. 11.
Ang ikalima at final stage ay sa Feb. 12 sa distansiyang 148.9km Roxas-Antique.
“Hindi lang sa kababayan natin, ngyaon may chance pa kami na maipakita ang galin laban sa international teams,” pahayag ni Catalan, sumabak na rin kompetisyon sa abroad bilang miyembro ng National Team.
Pinaiksi ang karera, taliwas sa nakalipas na edisyon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng National Team na maihanda ang mga sarili sa tamang pagkakataon para sa pagsabak sa 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre.
-EDWIN ROLLON