ANG China ay sinasabing isa sa pinakamatatandang sibilisasyon sa daigdig. Tulad ng mga bansang Kristiyano na maraming kaugalian at tradisyong ipinagdiriwang at binibigyang-buhay, ang bansang China ay nakalikha rin ng sariling tradisyon, kaugalian at mga ritwal na ang pinag-ugatan ay kanilang mga ninuno. Isa na rito ang pinakasikat na pagdiriwang ng New Year Festival na mas kilala sa tawag na Chinese New Year o Bagong Taon ng mga Tsino.
Sa China, ang Chinese New Year ay kilala sa tawag na Spring Festival sapagkat ipinagdiriwang nila ito sa pagwawakas ng winter o taglamig na simula naman ng spring o tagsibol. Pinakamahalaga at pinakamatandang festival ito sa China.
Ang petsa ng pagdiriwang ng Chinese New Year ay naiiba sa Bagong Taon ng mga Kristiyano na hindi nagbabago ang petsa. Nakapako ang pagdiriwang sa
unang araw ng Enero ng bawat taon. Ngunit ang Chinese New Year ay paiba-iba ng petsa ng pagdiriwang taun-taon. Ibinabatay ang selebrasyon sa Lunar/Solar Calendar na may 12 buwan na naghahalili ng 28 at 30 araw. Katumbas ito ng 12 full lunar cycle.
Sa maikling paliwanag, ang Chinese New Year ay sinisimulan sa unang araw ng bagong buwan (new moon). Kaya ang pagdiriwang ay pumapatak mula sa huling linggo ng Enero o kalagitnaaan ng Pebrero. At ngayong 2019 ay natapat ang bagong buwan ng ika-5 ng Pebrero, na tinatawag na Year of the Earth Pig.
Ang pagdiriwang ng Chinse New Year ay ginaganap sa lahat halos ng panig ng mundo na may pamayanan o komunidad ng mga Tsino. Dito sa iniibig nating Pilipinas, ang sentro ng pagdiriwang ay ang Chinatown sa lungsod ng Maynila.
Tampok sa pagdiriwang ang makulay na parada, ang lion at dragon dance o mga sayaw sa saliw ng dagundong ng mga tambol o gong at kalansing ng mga pompiyang at ng mga paputok at iba pang uri ng pyrotechnics. Ang tradisyong ito ay tinularan ng mga Pilipino, lalo na ang pagpapaputok ng mga rebentador at iba pang uri ng fireworks.
Sa paniniwala ng mga Tsino, may mahalagang kahulugan ang mga nabanggit na kaugalian. Ang pagpapaputok at ang dragon at lion dance ay para sa pagtataboy ng masasamang ispiritu at pagsalubong sa magandang kapalaran at kabuhayan sa susunod na taon.
May pinagbatayan ang nasabing mga kaugalian. Ayon sa isang alamat, isang village o pamayanan sa China ang sinalakay ng isang halimaw noong isang gabi ng taglamig. Nang sumunod na taon, muling sumalakay ang halimaw sa pamayanan. Dahil dito, ang mga naninirahan sa village ay nag-usap-usap kung paano tatakutin ang halimaw. Nagsabit at naglagay ang mga ito ng pulang bandera sa lahat ng lugar ng pamayanan. May paniniwala sila na ang pulang bandera ay panlaban sa halimaw. Nagsigawa rin sila ng mga paputok at gong.
Nagtagumpay ang ginawa nilang iyon. At dahil doon, sila’y nagkaroon ng pagdiriwang na nagtagal ng ilang araw. Nagpalitan ng regalo, nagdalawan, nagsaya at naghanda ng iba’t ibang pagkain.
Sa mitolohiya ng China, ang leon ay itinuturing na isang hayop na banal at isang espiritu. At ang lion dances o mga sayaw ay pinaniniwalaang naghahatid ng magandang kapalaran. Ang mga paputok naman na kasabay ng sayaw ay nagtataboy ng masasamang espiritu.
Kung Chinese New Year, may kalalakihan at kababaihang nagsusuot ng mga damit na may dibuhong bilug-bilog o polka dot. Naghanda rin ng bilog na cake na lalong kilala satawag na Tikoy. May paniniwala na ang Tikoy ay simbolo o sagisag ng kasaganaan at ang malagkit o kalagkitan nito ay pinaniniwalaan naman na sagisag ng pagkakaisa.
Bahagi rin ng Chinese New Year ang “angpao” o maliit na sobreng kulay pula at ginintuan na may sulat-Tsino. Sinisidlan ito ng pera at inireregalo ng mga lolo at lola sa kanilang mga apo.
Bukod sa mga nabanggit, may nagaganap din na reunion o muling pagkikita-kita ng pamilya at angkan tuwing sasapit ang selebrasyon. Masayang tinatanggap ang mga bagong miyembro ng kanilang angkan o pamilya.
Ang bigkis at buklod ng pamilya ay nananariwa. Nagiging matatag ang kanilang pakiramdam. Sa pagdiriwang ay marami ring Pilipino ang nakikiisa sa nagbibigay-buhay maging anuman ang kanilang paniniwala, relihiyon at sektang kinabibilangan.
Ang Chinese New Year ngayong 2019 ay taon ng mga baboy. Mga hayop na inaalagaan ng maraming Pilipino at ng mga may babuyan. Pinalalaki at ipinagbibili ng mga negosyanteng magbababoy. Kinakatay. Ang mga karne ay ipinagbibili sa mga palengke at supermarket. May ipinagbibili rin sa mga flea market o talipapa.
Ang ibang mga baboy ay nililitson at ipinagbibili rin sa mga tao. Ang litsong baboy ay karaniwang inihahanda sa pagdiriwang ng mga kapistahan sa mga bayan sa lalawigan. Sa Metro Manila, kilala at mabili ang litson ng isang negosyanteng may pangalang Lydia. Sa Rizal, partikular sa Angono, kilala at dinarayo din ang litsong baboy ni Mang Itok, pati na ang masarap na sarsa nito na masasabing timplang Angono.
Ngayong Year of Pig o Taon ng Baboy, marami ang umaasa na ang mga nasa pamahalaan ay hindi sana magiging mga asal-baboy sa kanilang paglilingkod. Gayundin ang mga ihahalal ng ating mga k
-Clemen Bautista