PALIBHASA’Y hindi tumatanggap ng kanyang taunang P200 milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel si Sen. Panfilo “Ping” Lacson, ayaw niyang tantanan ang isyu tungkol sa umano’y pork barrel sa Kamara (House of Representatives).

Batay sa kanyang pagbubunyag, sinabi ni Sen. Ping na may P100 milyon ang naka-embed o kasama sa National Expenditure Program (NEP) o pambansang budget. Dinagdagan pa raw ito ni dating Pangulo at ngayon ay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ng P60 milyon. Samakatuwid may tig-P160 milyon ang bawat kongresista sa 2019 National Budget.

Ayon kay Lacson, miyembro ng Senate panel sa budget conference committee, lumilitaw na hindi lang P60 milyon ang tinatamasa ng bawat kongresista kundi P160 milyon. Natuklasan lang daw niya ito noong Miyerkules.

Kung ganito ang mangyayari, ang P3.757 trilyong budget sa 2019 ay hindi “pork free” kundi “pork laden” bagamat batay sa desisyon ng Supreme Court, ang PDAF ay unconstitutional.

Suriin nating mabuti na habang halos hindi kumakain nang tatlong beses sa isang araw ang mga ordinaryong Pilipino dahil sa kahirapan, heto naman ang ating mga mambabatas na sagana sa pork barrel, laging may mantika ang mga bibig.

Ngayong 2019 midterm elections, lalapit na naman sa mga botante ang ganitong uri ng kandidato, sasabihing siya ay lingkod ng bayan at sisikaping iahon sa kahirapan ang mga Pinoy.

oOo

Mula sa siyam na taong gulang, ginawa ng Kamara at Senado na 12-anyos ang edad ng mga batang pananagutin sa batas. Kaugnay nito, may mga rekomendasyon na kasuhan ang mga magulang ng mga bata na lumalabag sa batas.

Higit na dapat na parusahan ay ang mga tao o sindikato na gumagamit sa mga bata sa paggawa ng krimen sa halip na ang mga bata na biktima ng mga ito.

oOo

Marami ang nagtatanong kung bakit sa kabila ng umiiral na martial law sa buong Mindanao at pagkakaroon ng malaking intelligence fund ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP), ay nalulusutan pa rin sila ng mga kaaway ng gobyerno.

Nangyari ito sa kambal na pagsabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu at sa paghahagis ng granada sa isang mosque sa Zamboanga City.

Kung ikaw ay mapagdudang indibiduwal o may malikot na guni-guni, baka isipin mong parang sinasadya na “pag-awayin” ang mga Kristiyano at Muslim sa Katimugan. Pinasabog ang simbahan ng mga Kristiyano at ilang araw lang, hinagisan naman ng granada ang isang mosque ng mga Muslim.

oOo

Isang Pinay pala ang binitay sa Saudi Arabia nitong Martes. Kawawang babae na ang hangarin ay magtrabaho pero kamatayan ang naging kapalaran sa ibayong dagat.

Sinikap daw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isalba ang buhay ng 30-anyos na Pilipina subalit natuloy din ang pagpugot sa ulo ito.

oOo

Sa Pilipinas pala ay may 3.2 milyong Chinese na nagtatrabaho. Sa ibang bansa, may 2.3 milyong Pilipino naman ang nagtatrabaho para bigyan ng disente at magandang kalagayan ang mga pamilya dahil wala silang matagpuang trabaho sa ‘Pinas.

Gayunman, nais nating usisain at itanong kung bakit sa ibayong dagat ay may binibitay na OFWs pero dito sa ‘Pinas, wala tayong nababalitaang binibitay kahit karumal-dumal ang kanilang nagawang krimen.

Marahil ay panahon nang ibalik ang parusang kamatayan sa ating bansa sapagkat ginagawang kanlungan ng mga kriminal ang Pilipinas dahil hindi sila hinahatulan ng kamatayan dito.

-Bert de Guzman