SINIMULAN na noong Martes ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang opensiba sa Abu Sayyaf Group (ASG) bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na pulbusin at durugin ang bandidong grupo na hinihinalang nasa likod ng magkakambal na pagsabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.
Sa opensibang ito na ginagamitan ng attack helicopters, maging kapalaran din kaya ng Patikul, Sulu na umano’y pinagkukutaan ng mga terorista at bandido, ang nangyari sa Marawi City na nadurog bunsod ng paghuhulog ng mga bomba?
Sa karumal-dumal na pagpapasabog ng mga terorista sa loob ng simbahan habang may misa, 21 tao, karamihan ay churchgoers at ilang kawal, ang namatay samantalang mahigit sa 100 ang sugatan. Naitatanong tuloy ng mga mamamayan kung anong uri may paniniwala o ideolohiya (?) mayroon ang ganitong uri ng mga nilalang na pati mga walang malay na sibilyan ay pinipinsala.
Dapat ang salakayin at pasabugin nila ay iyong itinuturing na mga kalaban, halimbawa ang AFP at Philippine National Police (PNP), kung talagang determinado silang isulong ang kanilang paniniwala. Bakit hindi sila magpunta sa mga kampo at doon magsagawa ng kasumpa-sumpang gawain, gaya ng pagtatanin ng explosives o paghahagis ng granada?
Pagkatapos ng kambal na pagsabog sa Mt. Carmel Cathedral, sinundan ito ng “bloody Wednesday” (Enero 30) na kumitil sa buhay ng dalawang Islamic preachers sa Zamboanga City. Hinagisan ng granada ang isang mosque sa siyudad na kanilang ikinamatay at ikinasugat ng tatlong kasamahan. Ang granada ay sumabog sa loob ng Kamardikaan Mosque habang natutulog ang mga biktima 12:20 ng madaling-araw. Ang mosque ay nasa Logoy Diutay Drive, Barangay Talon-Talon.
Noong Miyerkules ding ito, nanaig ang karahasan nang barilin at patayin ang isang consultant ng National Democratic Front of the Philippines sa Aritao, Nueva Viszcaya at isang Barangay chairwoman na kandidato sa pagka-kongresista sa Quezon City.
Ang pinaslang na NDFP consultant ay si Randy Malayao. Ang in-ambush at napatay namang chairwoman at kandidato sa pagka-kongresista sa ika-2 distrito ng Quezon City, ay si Crisel “Beng” Beltran. Namatay din ang kanyang driver na si Melchor Salita nang silay pagbabarilin habang lulan ng isang SUV sa J.P, Rizal Street, Bagong Silangan.
oOo
Umiiral pa hanggang ngayon ang martial law sa buong Mindanao. Tatlong beses na itong pinalawig ng Kongreso sa kahilingan ng Malacañang upang masupil ang terorismo, kidnapping at iba pang makahayop na gawain ng mga kalaban ng gobyerno.
Subalit bakit tila inutil ang ML sa Mindanao? Patuloy ang karahasan, patayan, kidnapping at nalulusutan pa ang ating militaryat PNP gayong kaylaki umano ng intelligence fund nito para masubaybayan at matiktikan ang mga walang budhing terorista at bandido na maging inosenteng mga sibilyan ay idinadamay sa kanilang maiitim na layunin.
-Bert de Guzman