KARAMIHAN sa mga kabataan ngayon, kasama na rin ang kanilang mga magulang, ay siguradong sa mga malls na may tiangge ang tungo kapag gusto nilang mamili ng mga murang paninda, lalo na ‘yung mga pang personal na gamit, gaya ng mga damit, sapatos, sitsirya at iba’t iba pang abubot.

Marahil marami rin sa kanila ang nagbalak na sa mga pamosong “lugar ng baratilyo” sa Metro Manila magpunta upang makatipid – nababalitaan sigurado nila ang pagiging mura ng mga paninda at serbisyo sa mga lugar na ito -- pero nagdalawang-isip dahil hindi nila kabisado kung saan ang mga lugar at ano ang mga paninda rito.

Unahin natin ang mga lugar na madaling puntahan, dahil hindi na kinakailangang sumuong pa sa trapik basta kayanin lang na magtiis sa pakikipaggitgitan sa mga pasahero ng LRT at MRT – siguradong makararating agad ang mga mamimili sa Quiapo, Sta. Cruz, Binondo at Divisoria sa Maynila; at maging sa Baclaran sa Paranaque City.

Sa mga kalye sa paligid ng simbahan ng Quiapo o Plaza Miranda, sa loob ng mga lumang gusali rito, matatagpuan ang mga stall o puwesto na mura ang lahat halos ng panindang pang personal na gamit - ang dapat lang matutuhan ay tumawad sa unang turing (presyo) na ibibigay sa iyo. Huwag mahiyang tumawad ng kalahati agad at magugulat ka sa ganting presyo na ibibigay ng tindero sa tawad mo.

‘Di kalayuan sa may simbahan ang kalye Hidalgo, ang pamosong lugar ng mga magagaling na mekaniko ng mga camera at bilihan ng mga kung tawagin ng millennial ay mga “preloved” o segunda mano na mga kamera o video cam.

Ilang metro lamang mula sa Plaza Miranda ang kalye Raon (kilala ngayon na Gonzalo Puyat Street) – ang bilihan ng halos lahat ng gamit pang-elektroniko. Pero kung dati-rati ay Raon lang ang bilihan dito, ngayon ay kalat na ang mga tindahan o puwesto sa lahat ng iskinita sa paligid ng naturang kalye.

Dito makabibili ng mga murang gadget – basta tumatakbo sa kuryente o battery – mas malamang na mayroon dito. Pati nga mga kagamitan sa construction, mula sa maliliit na electric drill, electric saw, welding machine hanggang sa malalaking makinarya ay mabibili sa ilang puwesto rito.

Mula sa Raon, sa kabilang kalsada ng Rizal Avenue ay ang kalye Florentino Torres, kung saan matatagpuan naman ang mga construction at finishing materials ng mga ginagawang bahay.

Ang susunod na kalye a Tomas Mapua (dating Misericordia), ang lugar na bilihan ng lahat ng klase ng “bolts & nuts” at mga turnilyo, mula sa pinakamaliit hanggang sa gamit na pambarko, siguradong mayroon dito.

Sa lugar na kung tawagin ay Dulong Bayan o Arrangque, sa kanto ng Tomas Mapua at C. M. Recto Avenue, pati na rin sa ‘di kalayuang kalye Ongpin ng Binondo – ay ang bilihan ng mga murang alahas na yari sa ginto at pilak.

Sa mga nabanggit kong lugar, ay tiyak na maraming vendor sa paligid, sa mga bangketa at gilid ng kalsada, mura lang din ang mga tinda nila, ngunit ito lang ang tandaan – karamihan sa mga ito ay sa mga puwesto lamang sa mga gusali bumibili ng “wholesale” na ibinebenta naman nila ng retail sa bangketa.

Kung isa lang ang bibilhin, sa vendor na lang bumili. Pero kung marami-rami rin lang naman - doon na mamili sa puwestong pang- “wholesaler” para malaki ang matipid. Ang tinatawag naman kasi nilang pang “wholesale” na presyo ay kapag ang bibilhin ay hindi bababa sa tatlong piraso ng produkto.

Sa mga kalye naman ng Paterno, Estero Cegado, at Sales matatagpuan ang mga Optical Shop na mabibilhan at mapagpapagawaan ng pinakamurang eye glasses o salamin sa mata. Sinabi kong napakamura kasi ‘yung presyo sa mall ng nabili kong salamin na may “progressive lens”, ang katumbas ay tatlong pares na ng eyeglasses sa lugar na ito.

Huwag na ninyong itanong sa akin kung magkano, basta noong nagpagawa ako ng eye glasses ko sa clinic ng mag-asawang Doc Mike at Grace Santos sa kalye Paterno – ay na-engganyo akong magpabalik-balik sa kanilang clinic kasama ang ilan kong kaibigan, upang sa kanila na rin magpasukat ng grado ng mata at magpagawa ng kani-kanilang mga salamin na puwede pang hintayin.

Abangan sa huling bahagi ang iba pang “lugar ng baratilyo” dito sa Metro Manila.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: daveridiano@ yahoo.com

-Dave M. Veridiano, E.E.