TAGUM CITY – Muling binuhay ni Davao del Norte Governor Anthony del Rosario ang usapin sa pagbuo ng Department of Sports (DS) na aniya’y mas makakatugon sa tumataas na pangangailangan sa programa ng sports sa bansa.

Ayon sa dating Kongresista, isa sa nagtutulak noon sa pagbuo ng DA, mas matutugunan ang pangangailanganng mga atleta at sports association sa aspeto ng pinansiyal kung isang departamento na may pondo mula sa Kongreso ang mangangasiwa ng sports program ng bansa.

“What we need is a Department of Sports na maaring pondohan ng Congress gaya ng DepEd, DPWH at iba pang Departamento nang sa ganun ay magkaroon ng sapat na pondo ang mga atleta natin para makatulong sa kanilang training,” pahayag ni del Rosario sa kanyang pagharap sa isang press conference kahapon bago ang opening ceremony ng Batang Pinoy Mindanao leg.

Sa kasalukuyan, ang Philippine Sports Commission (PSC), na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez, ay isang opisina na nasa ilalim ng Office of the President.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa kabila ng pagkakaroon ng pondo mula sa General Appropriation, nakasandal ang ahensiya sa pondong ibinibigay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Ayon kay del Rosario, kung sakaling makabuo ng departamento para sa sports, nakikita niya na mas magiging maayos ang mga programa sa ilalim ng pamumuno ni Ramirez.

Ikinatuwa naman ni Ramirez ang naging pahayag ni del Rosario at iginiit na buka siya sa posibilidad na maging Secretary ng Department of Sports.

“If ever na matuloy ‘yan,posible sa 2022. Kung ako ang tatanungin, of course, sino ba naman ang tatanggi kung ibibigay sa akin ang trabaho, but I think it would be better if ibibigay nila sa mas bata. I will just be on the side as consultant if ever. But I know may punto naman si Gov. del Rosario,” pahayag ni Ramirez.

Ito ang ikatlong taon ni Ramirez bilang chairman ng PSC at may tatlong taon na lamang siya na nalalabi upang pamunuan ang ahensiya sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Rodrigo Duterte.

-Annie Abad