HINDI alam ng marami ngunit pinananatili ng pamahalaan ang isang hierarchy of preferences sa Automatic Payroll Deduction System (APDS) para sa mga guro ng bansa.
Nangunguna sa listahan ang Bureau of Internal Revenue (BIR)—ang buwis ang unang halaga na ibinabawas sa suweldo ng mga guro sa katapusan ng buwan. Sunod dito ang mga mandataryong ikinakaltas para sa Philhealth, ang Government Service Insurance System, at ang Home Development Mortgage Fund.
Sunod sa listahan ang mga non-stock savings at loan at mga mutual benefit associations, provident funds, government financing institutions, at insurance companies, sunod ang mga thrift banks at rural banks. Mapapansin na tila kinakailangan ng mga guro na lumapit sa maraming mapag-uutangan, na kinakaltas din sa kanilang suweldo.
Sa anumang kaso, ayon sa panuntunan ng APDS na nakasaad sa Department of Education order No. 5 na nagpapatupad ng Seksiyon 48 ng General Appropriations Act ng 2018, kinakailangang bawasan ang kinakaltas upang masiguro na hindi bababa sa P5,000 ang maiuuwing kita ng mga guro.
Sa kasalukuyan, nasa average na P10,000 kada buwan ang take-home pay ng mga pampublikong guro, na gigamit nila para sa kanilang pang-araw-araw na gastusin katulad ng pagkain at renta, medikal na gastos, at para sa pag-aaral ng mga bata. Marami ang napipilitang lumapit sa mga bangko at iba pang pautangan para sa mga biglaang gastusin.
Gayunman, sa Automatic Payroll Deduction System ng pamahalaan, ang mga thrift banks at rural banks ang pinakamababa sa listahan ng preperensya para sa pagbabayad sa katapusan ng buwan. Maaaring hindi mabayaran ang mga loan sa loob ng ilang buwan, na maaaring magresulta sa dagdag na bayad at interes.
Bago buuin ng DepEd Order No. 5 ang hierarchy of preferences sa payroll deductions, ang panuntunan ay ‘first in-first out’, upang unang mabayaran ang mga lumang loan sa bangko. Itinuturing ngayon ng maraming bangko na ‘poor loan repayers’ ang mga guro. Bilang resulta, mas maliit na halaga ang maaaring ipautang ngayon sa mga guro.
Sa ngayon, may mga panawagan para muling pag-aralan ang order of preference na nakapaloob sa DepEd Order No. 5 bago pa mawala sa mga guro ang mga thrift banks at rural bank bilang kanilang takbuhan sa panahon ng pangangailangan. Nasa mahigit P107 bilyon ang sinasabing nakalaan para sa mga guro mula sa mga bangkong ito, ngunit hanggat walang nangyayaring pagbabago, malamang na limitahan ng mga bangkong ito ang halaga ng pautang na maaaring ibigay sa mga guro.
Ang buong problemang ito ay mababawasan kung maibibigay na ang pangakong dagdag na sahod para sa mga pampublikong guro. Nitong nakaraang buwan, sa inagurasyon ni Pangulong Duterte sa Gregorio del Pilar National high School sa Bulacan, siniguro niya sa mga guro na malapit nang matanggap ng mga ito ang matagal na nilang hinihintay na umento sa sahod.
Mauunawaan din natin ang problema ng pamahalaan para sa sahod ng mga guro; may 600,000 guro sa buong bansa at sinabi ng Department of Budget and Management na bilyong pisong halaga ang kinakailangan upang madoble ang mga suweldo. Ngunit tiyak ang pangangailangan ng dagdag na sahod ng mga guro, isang taon matapos makuha ng mga sundalo at pulis ang kanila.
Pansamantala, makatutulong ang pag-aaral sa kasalukuyang System of Preferences sa Automatic Payroll Deduction System ng pamahalaan, upang hindi mawala sa mga guro ang mga tulong na pautang na nakukuha nila ngayon mula sa mga thrift banks at rural banks.