Nasa 107 alkalde at kapitan ng barangay ang iisyuhan ng show-cause orders dahil sa posibilidad na sangkot ang mga ito sa pagdumi ng Manila Bay.
Ipinangako ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño ang matinding parusa sa mga opisyal na mapatutunayang nagkulang sa kanilang responsibilidad.
Hindi isinantabi ni Diño ang posibilidad na ilang local government unit (LGU) personnel, kabilang ang barangay officials, ang may pananagutan dahil sa kapabayaan.
Sinabi niya na sa nakalipas na 10 taon, ang DILG at iba pang concerned agencies ay nagsasagawa ng monitoring, evaluation at validation process upang matukoy ang pananagutan ng mga kumpanya at LGUs sa pagdumi ng Manila Bay.
Nagpahayag si Diño ng pagkadismaya at galit sa pagkabigo na maipatupad ang waste disposal laws sa mga komunidad sa paligid ng Manila Bay.
Hinikayat ni Diño ang publiko na "lend a helping hand to the government" sa pag-uulat ng malisyoso, masama at kurapsiyon ng public officials sa pangakong "valuable information would be treated with outmost confidentiality."
HINDI PA PUWEDENG LIGUAN!
Samantala, sa kabila ng pagbabawal ng Manila City government na lumangoy at patuloy na pagsisikap na malinis ang Manila Bay, daan-daang katao ang nagtungo rito upang magtampisaw ngayong Linggo ng umaga.
"From dito po, mga 300 meters... maitim pa. Maitim pa 'yung dagat kaya hindi pa p'wedeng paliguan. May mga basura pa po ‘yan sa ilalim," ani Metropolitan Manila Development Authority Metro Parkway Cleaning Group Head Francis Martinez.
Pinuri ng mga Pinoy ang unang bahagi ng rehabilitasyon ng Manila Bay makaraang kumalat sa online na malinis na ito sa basura.
Ito ay resulta ng clean-up drive nitong Enero 27, na pinagtulungan ng iba’t ibang government workers at volunteers para sa Manila Bay rehabilitation program.
Gayunman, una nang inabisuhan ng Department of Health (DoH) ang publiko na huwag lumangoy sa Manila Bay sa gitna ng massive clean-up drive ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ipinaliwanag ng DoH na kahit na mukhang malinis ang tubig, hindi ibig sabihin na ligtas itong liguan.
Kabilang sa maaaring maging sakit sa paliligo sa Manila Bay ay diarrhea, cholera, typhoid, dysentery, skin diseases, at eye infection.
Chito A. Chavez at Erma R. Edera