TULUYAN nang ibinasura ng Department of Justice (DoJ) ang kinakaharap na tax evasion case ni Richard Gutierrez.
Sa resolusyon ng DoJ, walang sapat na ebidensya ang Bureau of Internal Revenue (BIR) upang madiin ang aktor sa nasabing kaso.
Ang isyu ay nag-ugat nang kasuhan ng BIR ang RGutz Production Corp., na ang presidente ay si Richard, dahil sa paglabag nito sa National Internal Revenue Code of 1997 (NIRC) nang tangkaing linlangin ang pamahalaan sa hindi pagdedeklara ng tamang impormasyon sa kinita ng kumpanya, noong 2012.
Sa reklamo ng BIR, aabot pa sa P7,449,789.80 ang hahabulin ng pamahalaan na income tax ng kumpanya, bukod pa ang value added tax (VAT) na P11, 115,806.90 sa hindi naideklarang kita ni Richard sa GMA Network na P39, 604,824.67 noong 2012.
Gayunman, hindi kumbinsido ang DoJ sa reklamo ng BIR.
“After a careful evaluation of the evidence presented by the parties, we find the complainants evidence insufficient to establish probable cause against the respondents,” ayon sa desisyon ng DoJ.
“It has been settled that before one is prosecuted for willful failure to pay tax under Section 255 of the Tax Code, the fact that a tax is due must first be proved,” dagdag pa ng DoJ.
Ipinawalang-saysay din ng DoJ ang ikalawang reklamo ng BIR laban kay Richard dahil na rin sa naging kinalabasan ng unang reklamo nito.
-JEFFREY G. DAMICOG