Tiniyak ng pamunuan ng Quiapo Church sa Maynila ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad, upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga deboto at iba pang nagsisimba.
Ito ay kasunod ng magkasunod na pambobomba sa Jolo Cathedral nitong Linggo at sa isang mosque sa Zamboanga City nitong Miyerkules.
Ayon kay Rev. Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo Church, sa ngayon ay may karagdagang K-9 units na naglilibot sa paligid ng Simbahan, gayundin ang mga security personnel.
“Sa ngayon nagdagdag ng mga K-9, tapos pinapalibot palagi kasi ‘yung mga K-9 namin mababait na raw, kaya pinapalitan sila para talagang ma-check. Tapos nagdadagdag din ng mga security personnel tapos mas doblehin pa o triplehin pa ‘yung pag-iikot nila, every now and then tsine-check ‘yung mga bangko, ‘yung mga upuan, pati ‘yung mga natutulog kapag gabi. So tsine-check din ‘yon,” sinabi ni Badong sa panayam ng Radyo Veritas.
Umaapela naman ang pari sa bawat mananampalataya at mga deboto ng Mahal na Poong Nazareno na maging mapagmatyag sa paligid ng Simbahan.
Hinimok ni Badong ang lahat na tumulong at makibahagi sa pagtiyak ng kaligtasan sa pagmamasid at pagre-report kapag may kahina-hinala sa labas at loob ng Simbahan.
-Mary Ann Santiago