Nag-alok ng kalahating milyong pisong pabuya ang isang non-government organization (NGO) para sa agarang pagdakip kay alyas “Kamah”, ang principal suspect sa pambobomba sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu, nitong Linggo, na ikinasawi ng 21 katao at ikinasugat ng mahigit 100 iba pa.
Ito ang kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) spokesman, Col. Gerry Besana.
Malaking tulong, aniya, sa pagtugis kay ‘Kamah’ ang nasabing pabuya.
Sa kabila nito, sinabi ni Besana na hindi pa rin tumitigil ang tropa ng pamahalaan sa pagtugis kay Kamah at dalawa pa nitong kasamahan, na pawang nakatakas nang salakayin ng militar ang pinagtataguan ng mga ito sa Barangay Latih, Patikul, Sulu, nitong Martes.
Patuloy din, ayon kay Besana, ang isinasagawang pagsisiyasat sa posibilidad na kagagawan ng mga suicide bomber ang insidente.
Nauna nang nakatanggap ng ulat si Defense Secretary Delfin Lorenzana na nagsasabing nasa likod ng pagpapasabog ang isang Yemeni couple bilang mga suicide bomber.
Gayunman, sinabi ng kalihim na wala pa silang matibay na ebidensiya na magkukumpirmang mga suicide bomber nga ang nasa likod ng insidente.
-Fer Taboy