Tinatayang aabot ng P10-milyon ilegal na droga ang nasabat ng mga awtoridad sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Cebu City at Talisay City, sa Cebu, kamakailan.
Sinabi ni Senior Insp. Joemar Pomarejos, hepe ng Cebu City Police Office (CCPO)-Station 3, na hindi muna nila isinapubliko ang pagkakakilanlan ng naarestong suspek upang hindi mabulilyaso ang follow-up operations laban sa mga kasabwat nito.
Ang nasabing illegal drugs ay nasamsam sa suspek sa Barangay Tinago sa Cebu City.
Ayon sa arresting team, aabot sa P9 milyon ang halaga ng nakumpiskang droga sa suspek.
Isa ring umano’y tulak ng ipinagbabawal na gamot ang nasakote nang makumpiskahan ng P1-milyon halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Talisay City.
May teorya si Talisay City Police deputy chief, Chief Insp. Ardy Cabagnot, na may koneksiyon ang nasabing suspek sa mga preso ng Talisay City jail.
“Ang modus ng grupo, susulat kung sino ang kukuha at magde-deliver. Kasi mahirap makapasok sa loob ng bilangguan ang cell phone. May mga pangalan na kami, we’ll verify pa,” sabi pa ni Cabagnot.
-Fer Taboy