KAPAG sinabing “lugar ng baratilyo”, ito ay tumutukoy sa bilihan ng mga murang paninda o serbisyo, na kadalasang tinatangkilik ng mga kababayan nating pinagkakasya ang buwanang kita mula sa kanilang munting negosyo o suweldo sa trabaho.
Lalong lumutang ang kamurahan ng mga paninda o serbisyo sa mga lugar na ito – na palasak sa mga natatanging distrito sa Maynila at sa ilan ding karatig lungsod – nang maglitawan ang naglalakihang mall sa buong Metro Manila na ngayon ay paboritong puntahan ng ating mga kababayan kahit na may kamahalan ang presyo ng mga paninda at serbisyo rito.
Mga murang paninda – bag, sapatos, damit, abubot ng mga babae, alahas, laruan ng mga bata, motor, tiles, gadget, electronics appliance, piyesa ng mga kotse, prutas, gulay at iba pang mga personal na gamit – na ang presyo ay halos kalahati lamang ang halaga kumpara sa mga mabibili sa nagtatayugang mall sa Metro Manila.
Mas nakagugulat pa nga kapag nalaman din ninyo na may mga murang serbisyo – gaya ng pagpapagawa ng pustiso at bunot ng sirang ngipin, pagsukat sa grado at pagpapagawa ng salamin sa mata, maging murang masahe at pagpapatuli sa mga bata – sa “lugar ng baratilyo” na sinasabi ko. ‘Di talaga biro ang presyo kapag ihahambing sa pangkaraniwang alam natin na nagbibigay ng ganitong mga propesyonal na serbisyo.
Ngunit kahit gaano pa kamahal ang mga paninda at serbisyo sa mga mall, ito na ngayon ang mainit na tinatangkilik ng ating mga kababayan, lalo na ng ating mga kabataan– kapalit naman umano kasi ito ng ginhawa sa pamimili na ‘di nila mararamdaman sa mga tinutukoy kong lugar.
Mantakin n’yo nga naman ang trapik na susuungin, para lamang marating ang mga lugar na gaya ng Quiapo, Sta. Cruz, Divisoria, Binondo, Navotas, Malabon at Baclaran – bukod pa ito sa napakahirap mag-commute papunta rito, lalo pa’t hindi mo kabisado ang pasikut-sikot at napakaduming kapaligiran na daraanan. Huwag ding balewalain ang banta ng mga holdaper at snatcher na naghihintay lamang ng tamang pagkakataon para makapambiktima!
Ang pagsulputan ng mga mall ay hindi naman dahilan upang sabihin na tuluyan nang “namatay” ang negosyo sa mga “lugar ng baratilyo” na aking tinutukoy. Sa totoo lang, tila mas lumakas pa nga ang negosyo ng mga ito, dahil karamihan sa mga puwesto rito ay naging “wholesaler” na at ang kanilang kliyente ay ang mga negosyante na may-ari ng mga “tiangge”-- saan pa nga ba eh, ‘di sa paboritong puntahan na mga mall!
Ngunit kaming mga taal na Manileño, kahit laman na rin kami ng mga magagandang mall, ‘di pa rin namin puwedeng balewalain ang malaking diskuwento na makukuha sa mga “lugar ng baratilyo” kaya madalas ay pumupunta pa rin kami sa mga lugar na ito, lalo pa’t kailangang magtipid upang mapahaba ang budget.
Sa susunod na bahagi ay iisa-isahin ko ang mga kalye at eskinita kung saan mura ang isang produkto at ang mga murang serbisyo na makukuha ninyo sa mga “lugar na baratilyo”.
Nasisiguro ko – lalo na kung pilit ninyong pinagkakasya ang kakarampot na budget upang mabili ang mga bagay na kailangan sa bahay - kahit anong trapik ay papasukin ninyo kapag nalaman ang malaking matitipid sa mga presyo ng produkto at serbisyo sa mga “lugar ng baratilyo”.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.