SA ginawang pag-aaral sa mga daga at tao, natuklasan ng mga mananaliksik ng Washington University School of Medicine sa St. Louis na ang kukulangan sa tulog ay nakapagpapataas ng level ng pangunahing Alzheimer’s protein na tau, at kapag walang tulog ay napapabilis nito ang pagkalat ng toxic clumps ng tau sa utak, na isa sa mga sanhi ng brain damage at unti-unting pagkakaroon ng dementia.
Sa kabuuan ng pag-aaral, nalaman na ang tau ay paulit-ulit na nare-release “during waking hours by the normal business of thinking and doing, and then this release is decreased during sleep, allowing tau to be cleared away”.
Napuputol ang cycle na ito kapag kulang sa tulog, kaya nabubuo ang tau hanggang sa maging peligroso ang protein na mahahaluan nito.
Sa mga taong may Alzheimer’s disease, kumakapit ang tau sa mga bahagi ng utak na mahalaga para sa memorya, ang hippocampus at entorhinal cortex, hanggang sa kumalat na ito sa iba pang bahagi ng utak.
Natuklasan din ng mga mananaliksik na kapag napuputol ang tulog, tumataas ang nailalabas na synuclein protein, na sanhi naman ng Parkinson’s disease.
Ang mga taong may Parkinson’s ay kadalasang may problema sa pagtulog, gaya ng mga may Alzheimer’s.
“Getting a good night’s sleep is something we should all try to do,” sabi ng senior author ng pag-aaral na si David Holtzman, propesor at pinuno ng Department of Neurology sa unibersidad.
“Our brains need time to recover from the stresses of the day. We don’t know yet whether getting adequate sleep as people age will protect against Alzheimer’s disease. But it can’t hurt, and this and other data suggest that it may even help delay and slow down the disease process if it has begun.”
Inilathala ang pag-aaral online sa Journal Science nitong Huwebes.
PNA