ANG pagkaantala sa pag-apruba ng National Budget para sa 2019 ang pumigil sa ilang programa ng pamahalaan na dapat sanang nag-umpisa kasabay ng pagsisimula ng bagong taon noong Enero 1. Kabilang dito ang paglalabas ng ikaapat at huling tranche ng Salary Standardization Law. Patuloy ang operasyon ng pamahalaan sa ilalim ng lumang 2018 budget, dulot ng nakabimbing pag-apruba ng 2019 budget.
Habang isinusulong ng ilang mambabatas ang pagpapatupad ng ikaaapat na tranche ng umento sa sahod, iginiit ni Secretary Benjamin Diokno, ng Department of Budget and Management (DBM), na ang pondo para sa huling bahagi ng salary increase ay nasa 2019+ budget, at hindi sa lumang 2018 budget. “Government authorities cannot spend on items not authorized by Congress,” aniya.
Dapat nang aprubahan ngayon ng Kongreso ang 2019 National Budget, matapos maayos ng Mababang Kapulungan at ng Senado ang mga pagkakaiba sa bicameral conference committee. Siniguro ni Secretary Diokno na kapag nangyari ito at mapagtibay na ang 2019 budget ng Kongreso at malagdaan din ng Pangulo, mailalabas na ang lahat ng naantalang budget.
Isa pang isyung sa paglalabas ng pondo ng pamahalaan ang lumutang, ito ay may kaugnayan sa nalalapit na halalan. Ang Commission on Elections (Comelec), sa tungkulin nitong magpatupad ng mga panuntunan para sa halalan, ay may ipinatutupad na election ban para sa mga pampublikong proyekto, upang hindi ito magamit ng mga opisyal ng pamahalaan para makakuha ng boto para sa mga kandidato ng administrasyon.
Nakaapekto na ang pagkaantala sa pag-apruba ng National budget sa mga plano ng pamahalaan para sa “Build, Build, Build” infrastructure program. Ang buong buwan ng Enero ay natapos nang hindi nasisimulan o naisusulong ng gobyerno ang mga proyekto na nangangailangan ng dagdag na pondo.
Dulot nito, iminungkahi si Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, pinuno ng National Economic and Development Authority (NEDA), na huwag isama ng Comelec sa election ban, na nakatakdang magsimula sa Marso, ang malalaking proyektong pambansa, lalo na pasa mga proyekto na nangangailangan lamang ng dagdag na pondo upang magpatuloy.
Mahalagang maikonsidera ang mungkahing ito para sa nakatakdang halalan para sa 12 senador, party list, kongresista, gobernador, mayor at iba pang mga lokal na opisyal, lalo’t ang mga ito ay pipiliin base sa kani-kanilang personal na record at dating. Matagal nang napatunayan na hindi nakaaapekto nang malaki sa boto ang partido ng isang kandidato.
Ang “Build, Build, Build” ay isang pambansang programa ng administrasyon, na magiging tatak ni Pangulong Duterte. Walang sinumang kandidato para sa pambansa o lokal na posisyon ang maaaring umangkin ng pagkilala para sa programang ito. Maaari sanang payagan ng Comelec ang exemption na hinihingi ng NEDA upang wala nang pagkaantala sa implementasyon nito.