“NITONG mga nakaraaang buwan, nakita natin kung paano ang kultura ng karahasan ay unti-unting nangibabaw sa ating lupain. Itong pagbomba sa Cathedral ng Jolo, kung saan maraming tao ang namatay at nasugatan, ay katibayan ng ‘cycle of hate’ na sumisira sa moral fabric ng bansa. Kami, rin ay tumanggap ng mga malupit na salita na tumagos sa kaluluwa ng Simbahang Katoliko na parang mga matalim na punyal. Ang atake sa Jolo Cathedral ay masyadong nakalulungkot at mahirap akalain na magagawa ito ng tao sa kanyang mga kapatid. Pero, bilang Katoliko at mananampalataya, tingnan natin ang ating mga puso at kung paano natin sasagutin ng kabutihan ang kasamaan. Gapihin natin ang kasamaan sa pamamagitan ng kabutihan.” Ito ang winika ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President Romulo Valles, sa isang pahayag na inisyu ng grupo pagkatapos ng 118th plenary assembly sa Maynila.

“Ang payak na kautusan sa amin ng Pangulo ay all-out war laban sa teroristang grupo. Habulin ang gumawa ng maramihang pagpatay at bigyan ng katarungan ang kanilang biktima,” wika ni Col. Gerry Besana, public officers ng Western Mindanao Command, sa panayam sa kanya ng media. Ibinigay niya, aniya, ang kautusang ito nang magtungo siya sa Jolo upang makita ang mga napatay at makita ang pagkasira na dulot ng magkasunod na pagsabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral at dalawin ang mga nasugatan. Sa CBCP, bunga ito ng galit na namamayani sa ating bansa na winawasak ang mabudhing hibla ng bansa.

Naganap ang pambobomba sa Simbahang Katoliko mismo, na ilang ulit nang nakalasap at ang kaparian nito ng masasakit na salita mula sa Pangulo. Ang pinaniniwalang nitong Diyos ay “stupid”, ayon sa kanya. Inakusahan niya ang isang paring pinatay ng pakikialam sa mga asawa ng mga mataas na tao sa kanyang parokya. Inakusahan niya si Bishop David ng Caloocan ng pang-uumit ng koleksiyon ng Simbahan at inuuwi niya para sa kanyang pamilya. Tinawag niyang bakla ang mga bishop. Hinimok niya ang mga tambay na pagnakawan ang mga ito dahil marami silang pera. Katawa-tawa ang pinaniniwalaan nitong “Holy Trinity”, sabi pa niya. Nauna pa rito ay hinikayat niya ang taumbayan na huwag nang magsimba at sa bahay na lang sila magdasal.

Ganito kalupit kung tratuhin ng Pangulo ang Simbahang Katoliko, mga pinuno nito at ang kanilang pananampalataya. Pero, dapat ba niyang gawin ito? Ang pakialaman ng Simbahan ang kanyang polisiya na pumapatay ng mamamayan ay sapat na dahilan ba upang sirain mo ito at ang pinaniniwalaan nito? Nagbungguan noon ang diktaturang Marcos at ang Simbahang Katoliko sa napakahalagang isyu ng karapatan ng tao na mabuhay nang may dignidad. Ngunit, hindi gumamit ng masama at malupit na salita si dating Pangulong Marcos laban sa Simbahan. Hindi dapat nagsasalita ang Pangulo ng bansa na animo’y hinihiling mo ang kapahamakan ng sinuman na iyong nakakatunggali, lalo na kung sa isyu kayo hindi nagkakaunawaan. Paano, kung seryosohin ang sinasabi mo?

-Ric Valmonte