NAGSALITA na ang mga kapatid nating Muslim. Niratipikahan ng karamihan sa kanila ang Bangsamoro Organic Law (BOL) sa plebisitong ginanap noong Enero 21. Layunin ng BOL ang itatag ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na ipapalit sa bigong Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Kahit mga Kristiyano sa mga pamayanang dominado ng mga Muslim sa Mindanao ay suportado ang kontrobersiyal na BOL maliban sa Isabela City sa Basilan. Gayundin ang Sulu, na dating bahagi ng ng ARMM, ay nagpasyang hindi sumali sa BARMM. Ang Cotobato City kung saan naroon ang sentro ng pamahalaan ng ARMM ngunit nasa labas ng hurisdiksiyong pulitikal nito, niratipikahan ang BOL bagama’t ang Muslim nito alkalde at iba pang mga lider tutol at ipinoprotesta ang resulta ng plebisito.
Sa Pebrero 6, gaganapin ang ikalawang bahagi ng plebisito sa Lanao del Norte (maliban sa Iligan City) at ilang bayan ng North Cotabato na nais umanong sumailalim sa BARMM. Ayon sa Commission on Elections, sa pangkalahatan, ang mga lugar na pagdarausan ng dalawang botohan ay may 2,839,659 rehistradong botante sa 18,439 presinto.
Sa kabila ng mga kaguluhang karaniwan nang bahagi ng ating mga ‘electoral exercises,’ nakikita ng karamihan sa mga lider at ‘old-timers’ sa Mindanao na lalong pinatingkad ng niratipikahang BOL ang matagal nang pangarap ng mga Muslim, katutubo, at mga Kristiyano sa timog na itinuturing na biktima sila ng mga hidwaang hindi gaanong pinapansin at tinutugunan ng pambansang gobyerno dahil sila’y mga “segunda klasing mamamayan” lamang. Naniniwala at inaasahan nilang magbibigay daan ang BOL tungo sa kapayapaan, estabilidad, at kaunlaran ng Mindanao.
Higit din nilang inaasahan na ang ratipikasyon ng BOL ay magreresulta sa makabuluhang eksplorasyon at paggamit sa likas na yaman, sariling pangangasiwa sa pananalali, matibay na sariling pamamahala, kapangyarihang pumasok at lumagda sa mga kasunduang pinansiyal at paglalaan ng pondo para sa pagtataguyod ng BARMM, at gamitin ang kanilang kita para sa makabuluhang kaunlaran ng Mindanao.
Ang BOL, kasama ang mga depekto nito, ay maaaring hindi lunas para sa mga isyung patuloy na nagpapabigat sa mga suliranin ng Mindanao. Gayunman, ang BARMM, na bunga ng sama-samang pagsisikap ng mga naghihidwaang partido, ay nagbibigay ng pag-asa sa mahahalaga at pangmatalagang posibilidad sa Katimugan.
Ang pagsulong ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng paglinang ng mga potensiyal ng Mindanao ay dapat positibo ngunit maingat na asamin ng lahat. Nakatutuwa na maraming bansa na ang nangako ng suporta sa BOL at BARMM.
-Johnny Dayang