NAPATUNAYAN na sa napakaraming pag-aaral na mabisa ang aerobic exercise sa pagpapanatili ng brain function ng matatanda, subalit natuklasan ng isang bagong pag-aaral na mapasisigla ng matindi at regular na pag-eehersisyo ang kakayahang mag-iisip ng mga younger adults.
Matapos ang anim na buwang aerobic regimen, nagpakita ng improvements sa executive function—ang proseso sa utak na ginagamit sa pagpaplano, pagresolba sa mga problema, at pagdedesisyon—ang mga nasa edad 20-67 na regular ang aerobic exercises.
Isang comparison group na nagsagawa lang ng stretching at toning sa kaparehong panahon ang hindi nagpakita ng kaparehong benepisyo, iniulat ng study team sa Neurology.
Naniniwala ang marami na ang pagbagal ng paggana ng utak ay may kaugnayan sa pagtanda, ayon sa lead author na si Yaakov Stern, propesor sa neuropsychology sa Columbia University Medical Center sa New York City.
“But even at age 30, you need some help,” ani Stern. “Many studies show an almost linear decline in these functions from the 20s onward. So the take-home message from this study is that aerobic exercise is really very important.”
Sinabing walang kaparehong pag-aaral sa kabataan at middle-aged adults, ni-recruit ni Stern at ng kanyang mga kasama ang 132 volunteer na edad 20 pataas upang makibahagi sa eksperimento na tutuklas sa epekto ng aerobic exercise sa paggana ng utak. Walang sinuman sa volunteers ang regular na nag-eehersisyo bago isagawa ang pag-aaral.
Binigyan ng mga test ang mga volunteers upang i-evaluate ang kani-kanilang executive function, episodic memory, mental processing speed, language abilities, at atensiyon. Itinalaga sila ng mga researchers sa isa sa dalawang grupo: ang kalahati ang ay isinama sa aerobic group na ang ehersisyo ay nagpabilis sa tibok ng kanilang mga puso, habang ang kalahati pa ay itinalaga sa mga session ng non-aerobic toning at stretching.
Ang mga volunteers sa bawat grupo ay dumalo sa apat na lingguhang exercise sessions sa loob ng 24 na linggo. Muling sinuri ang kani-kanilang cognitive abilities matapos ang 12 at 24 na linggo. Nagsagawa rin ng MRI scan sa kanilang mga utak sa pagsisimula at sa pagtatapos ng pag-aaral.
Sa huli, walang masyadong improvement sa cognitive abilities ang mga nasa stretching at toning group, habang ang lahat ng edad sa aerobic group ay sumigla ang mental function—bagamat mahalagang mabanggit na mas malaki ang naging improvement sa matatandang participants kaysa mas bata sa kanila.
Reuters