Daan-daang pamilya ang lumikas mula sa kanilang lugar sa Patikul, Sulu makaraang magsagawa ng operasyon ang militar laban sa Abu Sayyaf Group (ASG) kasunod ng pagpapasabog sa Jolo Cathedral nitong Linggo.
Sinabi ni Myrna Jo Henry, information officer ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), na napilitang lumikas sa mas ligtas na lugar ang mga residente ng dalawang barangay sa Patikul, sa takot na maipit sila sa laban ng tropa ng pamahalaan at ASG.
“Based on the report that we received, there are currently 350 families that were displaced. These are already being attended to,” paliwanag ni Henry.
Isinagawa ang opensiba laban sa teroristang grupo matapos na iutos ni Pangulong Duterte na bombahin ng militar ang mga lugar na posibleng pinagtataguan ng mga terorista matapos na ituro ang grupo na nasa likod ng insidente.
Nitong Miyerkules, lumutang sa mga awtoridad ang apat na lalaking nahagip ng closed circuit television (CCTV) camera upang magbigay ng kanilang panig kaugnay ng pagkakasangkot sa kanila sa insidente.
“They were already removed from the list of persons of interest. They went to the police and gave testimonies proving that they had nothing to do with the bombing,” sabi ni Senior Supt. Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP.
Kaugnay nito, iginiit kahapon ng Malacañang na ligtas pa rin ang Pilipinas, at hindi kailangang dagdagan pa ang mga lugar na nasa ilalim ng batas militar, na kasalukuyang umiiral sa Mindanao.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kasunod ng pagpapasabog ng granada sa isang mosque sa Zamboanga City nitong Miyerkules, na ikinasawi ng dalawang Muslim.
Ayon kay Panelo, ang dalawang insidente ng pambobomba ay isolated case lang at nanatiling ligtas ang bansa.
“We would like to assure the general public that they can go about their normal activity life. Our country is still a safe haven,” ani Panelo.
“There is no necessity for any expansion of martial law as the President has repeatedly declared,” aniya, tinukoy ang martial law, na idineklara noong Mayo 23, 2017 kasunod ng pagsalakay ng Maute-ISIS sa Marawi City, Lanao del Sur.
-Aaron B. Recuenco at Argyll Cyrus B. Geducos