NAKANGITI hanggang tainga ang mga nasa likod ng Angkas motorcycle taxi company kahapon nang matapos ang pagdinig sa Senado hinggil sa kahilingan nitong makabiyahe sa ilang piling siyudad, kabilang na ang Metro Manila.
Tulad ng nangyari sa huling pagdinig sa Kamara de Representantes, pumanig ang ilang senador sa Angkas.
Pinangunahan ni Senador Grace Poe ang paghayag ng suporta sa Angkas matapos nitong maipaliwanag sa mga mambabatas na ligtas, abot-kaya at maaasahan ang kanilang serbisyo lalo na’t kapos ang pampublikong sasakyan sa maraming lugar.
Mistulang pinasadahan lang ni Sen. Grace ang isyu sa Angkas at hindi na ito nagpaligoy-ligoy pa sa kanyang panukalang payagan ang grupo nito na makapagsimula sa panukalang ‘pilot run’.
Hindi po ito nangangahulugan na sasakay ang mga rider ng Angkas sa eroplano patungo sa ibang lugar. Ang ibig sabihin ng ‘pilot run’ ay mabigyan ng pagkakataon ang rider na makabiyahe muna upang patunayan na sila’y disiplinado at tapat sa pagbibigay serbisyo sa mga commuter.
Ang pilot run ay maaaring maisakatuparan kahit wala pang batas na naipapasa ang Kongreso upang maging legal ang operasyon ng Angkas.
Subalit may kabig din ang senadora. Habang iginigiit ng mga taga-suporta ng Angkas ang karapatan ng mga mamamayan sa epektibong transportasyon, dapat din respetuhin ng mga motorcycle rider ang karapatan ng ibang motorista.
Aniya, batid niya na mahilig magsisingit sa trapik ang mga motorsiklo na parang mga bulate na naghahanap ng butas. Inilalagay nito sa peligro ang buhay hindi lamang ng mga rider ngunit maging ng iba pang motorista at pedestrian.
Hindi tumagal ang pagdinig sa kaso ng Angkas sa Senado.
Ito’y malakas na indikasyon na ang dalawang kapulungan ng Kongreso ay pumapanig na sa app-based motorcycle taxi company dahil naipakita na nito ang propesyunalismo sa kanilang hanay bago pa man maglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order na kumontra sa kautusan ng Mandaluyong City Regional Trial Court (RTC).
Ang Mandaluyong City RTC ang nagbaba ng desisyon na nagbibigay karapatan sa Angkas na makabiyahe subalit sinopla ito ng Korte Suprema nitong nakaraang Disyembre.
Malinaw ang tagubilin ni Sen. Grace Poe: Kailangan ng standard training ng mga Angkas rider, sapat na kumpensasyon sa mga rider, at pagkakaroon ng insurance coverage para sa mga pasahero.
Marahil ang hinihintay na lang ng Department of Transportation (DOTr) ay ang kahihinatnan ng pag-aaral at rekomendasyon ng binuo nitong technical working group (TWG) hinggil sa operasyon ng Angkas.
Kaya mga pareko…aarangkada na Angkas!
-Aris Ilagan