ANG “Battle for Manila Bay” ay mapawawagian sa loob ng pitong taon, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nitong Lunes.
Matagal na panahon ang pitong taon. Anim at kalahating taon itong mas matagal kumpara sa isinagawang paglilinis sa Boracay. Apat na taon ding itong mas matagal kumpara sa nalalabing tatlong taong termino ng administrasyong Duterte. Ngunit ang pinakamalaking katotohanan ay sa wakas nasimulan na ang paglilinis sa Manila Bay.
Mahigit isandaang taon na ang nakalilipas mula nang magwakas ang tatlo at kalahating siglong pananakop ng mga Espanyol nang magapi ni Admiral Dewey ang puwersa ng mga Espanyol sa look at nagsimula ang tuluy-tuloy na pagpapalawak ng Metro Manila. Sa panahong ito, patuloy na napuno ng polusyon ang Manila Bay mula sa iba’t iba nitong bahagi, ngunit karamihan ay dulot ng ilog Pasig na nagdadala ng mga dumi mula sa buong Metro Manila.
Kaya hindi na kataka-taka ang naging desisyon ng Korte Suprema na maglabas ng isang kautusan noong 2008, na nagbibigay-direktiba sa 13 ahensiya ng pamahalaan sa pamumuno ng DENR “to clean up, rehabilitate, and preserve Manila Bay, restore and maintan its water to make them fit for swimming, skindiving, and other forms of contact recreation.”
Ang susing parirala na “contact recreation” ay inilagay dahil ang Manila Bay, noon pa man, ay hindi ligtas sa anumang aktibidad ng tao. Mahigpit na ipinagbabawal ang paglangoy, ang pagtatampisaw sa tubig ng look ay maaaring magdulot ng impeksyon at sakit, dahil ang tubig ay binubuo ng mga coliform bacteria mula sa iba’t ibang uri ng dumi na ibinubuhos dito. Kamakailan lamang, umabot na sa 330 million MPN (most probable number) kada 100 milliliters, gayong ang tinatanggap lamang na lebel ay 100 MPN kada 100 milliliters. Ilang bahagi ng look ang sinasabing umaabot sa bilyong MPN.
Nagawang malinis ng DENR ang Boracay sa loob ng anim na buwan. Pitong taon ang kinakailangan para sa Manila Bay.
Ang unang bahagi (Phase 1) ng programa ay para sa paglilinis ng mga estero, pagbabawas ng fecal coliform level at ang pag-uutos sa lahat ng pamahalaan, komersyal, industriyal, pang-edukasyon at iba pang establisyemento na magkaroon ng sariling sewage treatment. At sisimulan na rin ang pagpaplano para sa relokasyon ng nasa 233,000 informal settlers—mga iskuwater—na sila ngayong direktang nagtatapon ng kanilang mga dumi sa mga sapa at ilog na dumadaloy patungong look.
Bahagi naman ng Phase 2 ang rehabilitasyon ng mga lumang sewage lines sa buong National Capital Region, pagpapatuloy ng relokasyon ng mga iskuwater, at pagtapos sa sewage treatment facilities ng dalawang pribadong water concessionaires ng Metro Manila—ang Manila Water at Maynilad.
Ang Phase 3 ay ang patuloy na kampanya para sa pagbibigay edukasyon at impormasyon, pagpapanatili ng pagpapatupad ng batas at pagbabantay, at ang pagtapos sa Metro Manila sewage system.
Isa ang Manila Zoo sa mga unang establisyemento na ipinag-utos ang pagsasara hanggat hindi ito nagkakaroon ng sapat na waste processing system, sa halip na direktang itapon ang mga dumi nito sa look. Ilan pang establisyemento—mga restaurant at hotel at iba pang residente—ay binigyan din ng abiso ng paglabag at cease-and-desist orders.
At ito ay simula pa lamang. Naglaan na ang pamahalaan ng P47 bilyon para sa proyektong paglilinis, kasama ng mga lokal na pamahalaan sa paligid ng look na inaasahang magtatabi ng pondo para sa kanilang sariling programa.
Maaalala ang administrasyong Duterte para sa maraming bagay, ang malawakang kampanya laban sa ilegal na droga, at ang malapit nang malawakang programang pang-imprastruktura na ‘Build, Build, Build’. Ang “Battle for Manila Bay” ay tatatak din bukod sa mga programang ito bilang tanda ng disididong pamamahala.