SA naganap na selebrasyon ng ika-10 anibersaryo ng Spring Films, humarap sa press ang dalawang founders nito na sina Piolo Pascual at Joyce Bernal at ibinida nila ang line-up ng mga pelikula na planong ipalabas ngayong taon.
“We wanted to be as diverse as possible. We don’t want to be boxed. Mas maganda na iba’t iba ‘yung genre na pinapasukan namin. At nakakatuwa lang na ‘yung pumapasok na konsepto, nae-enjoy din naming gawin,” pahayag ni Piolo habang binabanggit ang ilang pelikula tulad ng Post Angst na tungkol sa marijuana. Ayon kay Direk Joyce, isa si Piolo sa mga cast members.
Bukod sa Post Angst, may pelikula ring plano ang dalawang Spring Films founders kina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa magkahiwalay na proyekto. Makakasama ni Daniel si Charo Santos sa pelikulang nakatakdang idirek ni Bb. Joyce Bernal, habang si Kathryn naman ay planong isama sa cast ng pelikula na may pamagat na, History of Parking Lot.
Binanggit din ni Piolo ang ilang direktor na gagawa ng ilang pelikula sa kanilang line up, tulad nina Paul Soriano, Lav Diaz, at Ely Buendia.
Nang tanungin naman ang dalawa tungkol sa inaabangang Marawi film, pinangalanan ni Bb. Joyce ang bagong direktor na makakasama nila sa pagbabalik shooting nito.
“Kumuha na talaga kami ng totoong Maranao na magsulat at mag-direk.
“So kumuha na kami talaga. Binigay na namin ‘yung pinag-agreehan namin na script, tapos siya na po ‘yung magsusulat, at sasamahan ko po siya mag-direk, bale dalawa na kami, si Omar Ali,” sabi ni Direk Joyce na aminadong nahihirapan sa naturang pelikula.
“Mahirap kasi mahalaga siyang usapin, kaya dapat pinaghahandaan. Tsaka ‘yung pelikula, magke-create ng conflict e, ‘yun ang aayusin e,” dagdag niya.
Ayon kay Joyce, ang kanilang Marawi film ang magiging unang feature film ni Omar Ali, mula sa paggawa ng mga short films at documentary films.
Samantala, pangungunahan ng pelikulang Kuya Wes ang line up ng Spring Films ngayong taon at pagbibidahan ito nina Ogie Alcasid at Ina Raymundo. Ipalalabas ang commercial cut ng Kuya Wes sa mga sinehan simula March 13.
-Ador V. Saluta