UMIIRAL nga ba ngayon ang kultura ng karahasan at pagkamuhi sa Pilipinas na isang Katolikong bansa? Kung paniniwalaan ang pahayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), waring ganito ang nagaganap ngayon sa atin. Isipin na ang ‘Pinas ay isang bansang Katoliko, naniniwala sa aral ni Kristo na “mahalin ang kapwa” at makipagkasundo.
Ang ganitong pahayag ng CBCP ay inilabas kasunod ng kambal na pagsabog sa loob ng Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu habang may misa at puno ng mga tao ang simbahan. Batay sa report, mahigit sa 20 ang namatay, marami ang sugatan at napinsala ang simbahan.
Nagtataka ang taumbayan kung bakit nagagawa ang ganitong karumal-dumal na krimen ng mga tampalasan at terorista, na idinadamay pati mga inosenteng sibilyan na walang alam sa kanilang paniniwala o ideolohiya.
Kung may galit ang mga indibiduwal o grupo sa gobyerno, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), bakit kailangang pinsalain ang walang kamalay-malay na mga sibilyan? Bakit hindi nila salakayin o pasabugin ang mga kampo ng militar at pulisya upang ipaalam sa kanila na galit sila mga patakaran ng AFP at PNP? Huwag ninyong idamay at patayin ang mga sibilyan na walang kinalaman sa inyong paniniwala o ideolohiya.
oOo
Ang Mindanao ay bahagi ng Pilipinas. Subalit nakapagtatakang dito lang yata sa rehiyong ito laganap ang mga armas at pampasabog na waring hindi makontrol ng gobyerno, AFP at PNP. Hindi mapigil ng mga awtoridad ang pag-iingat ng iba’t ibang uri ng armas, baril at explosives ng mga residente.
Bakit parang hindi makumpiska ng PNP, AFP at ng gobyerno ang mga ‘di lisensyadong baril at armas sa Mindanao gayong sa Luzon at Visayas, ay nakokontrol nila ang pag-iingat ng mga baril at armas? Ibig tuloy maniwala ng mga Pilipino na takot ang PNP, AFP, at gobyerno sa mga taga-Mindanao kaya hindi nila mapagbawalang mag-ingat ng baril.
May nagsasabi na ang kultura ng pag-iingat ng armas sa Katimugan ay hindi na mababago pa. May nagbibiro pa ngang higit daw na mahal ng lalaki ang kanyang baril kaysa kanyang asawa. Maaaring ito ang dahilan kung bakit ang karahasan ay hindi magbawa sa Mindanao. Dahil mayroon silang mga baril, kapag nag-away ang mga pamilya, putukan at patayan. Walang magawa ang pulisya at militar.
oOo
Sa kabila ng pag-angkin at pagmamalaki ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na may dugong-Muslim siya (Maranao), bakit parang hindi tumatalab sa mga taga-Mindanao ang kanyang mga ideolohiya upang siya ay sundin ng mga ito sa hangaring magkaroon ng kapayapaan doon? Umiiral ang martial law, pero patuloy ang karahasan, patayan, bombahan, ambush at kidnapping.
oOo
Nanawagan si Pope Francis na ipinalangin ang mga biktima ng kambal na pagsabog sa Our Lady of Mt. Carmel sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng 27 at ikinasugat ng maraming iba pa. “Ipagdasal natin ang mga biktima ng terrorist attack. May the Lord, Prince of Peace, convert the hearts of the violent and grant the inhabitants of that region a peaceful coexistence.” Sundin natin si Pope Francis, magkasundo at magmahalan ang mga Kristiyano at Muslim.
-Bert de Guzman