Nagiging maliit na ang mundo para kay “Kamah,” isa sa mga persons-of-interest sa pambobomba sa Jolo Cathedral sa Sulu.

Sinalakay ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Martes ng gabi ang umano’y lungga ni Kamah, ayon sa awtoridad.

Nagresulta ang operasyon sa pagkamatay ni Ommal Yusop, 62, sinasabing miyembro ng Ajang-Ajang Group at kasabwat ni Kamal, ayon kay Chief Supt. Graciano Mijares, regional director ng Police Regional Office in Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-ARMM).

Gayunman, sinabi ni Mijares na si Kamah at isa nitong kasama ay nakatakas sa mga pulis at sundalo.

Probinsya

Lalaking nahaharap sa 26 rape cases, arestado!

Isiniwalat ni Mijares na isinagawa ng Patikul Municipal Police Station, 52nd Special Action Company (SAC), Regional Mobile Force Battalion (RMFB-14) at Joint Task Force (JTF)-Sulu ang operasyon sa Kalimayan Village, Barangay Latih, Patikul, Sulu, dakong 6:30 ng gabi.

Ito ay matapos na makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Kamah.

Pagsapit sa lugar, sinalubong ang tropa ng mga bala nang pagbabarilin sila ni Yusop. Sinabi ni Mijares na napilitang gumanti ang mga pulis at sundalo.

Makalipas ang ilang sandali, si Yusop, na pinaniniwalaang kamag-anak ni Kamah, ay nasawi ngunit ang target sa operasyon ay wala na.

Kinukumpirma pa ng awtoridad kung tinutulungan lamang ni Yusop si Kamah na makatakas o kabilang ito sa tatlong persons-of-interest na una nang nakunan sa closed-circuit television (CCTV) camera malapit sa Jolo Cathedral bago ang magkasunod na pagsabog ng improvised explosive devices (IEDs) nitong Linggo.

Habang isinusulat ito, nasa 21 ang nasawi habang 112 ang sugatan sa insidente.

Ayon kay Senior Supt. Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP, hindi titigil ang mga pulis hanggat hindi naaaresto si Kamah at kanyang mga kasabwat.

Hinikayat din niya ang grupo na sumuko at makipagtulungan sa awtoridad upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima.

“The hot pursuit operations against alias “Kamah” and the others will continue to be intensified,” ani Banac.

Narekober sa operasyon ang isang .45 caliber pistol at ilang basyo ng bala.

BOMB IDENTIFICATION

AND AWARENESS SEMINAR

Nagsagawa ang regional command ng Northeastern Mindanao Police Regional Office 13 (PRO 13) ng bomb identification and awareness seminar sa PRO 13 Multi-Purpose Hall Regional Headquarters sa Butuan City, nitong Martes.

Dinaluhan ito ng 200 local government unit (LGU) officials, business sector, security officers, police personnel at media personalities.

“This bomb Identification and awareness seminar is part of its education campaign in Mindanao, in response to the latest bombing that transpired in Jolo, Sulu that killed many innocent people,” pahayag ni PRO 13 Regional Director Chief Supt. Gilberto DC Cruz.

“And besides this is everybody’s concern to avert any untoward incident, everybody has a vital role to play,” diin ng police official.

-MARTIN A. SADONGDONG, FER TABOY, at MIKE U. CRISMUNDO