PANGUNGUNAHAN ni dating UAAP 3-time MVP na si Alyssa Valdez ng Creamline at ng kapwa power-hitter na si Myla Pablo ng Motolite ang mga kalahok sa darating na Premier Volleyball League (PVL) All-Star Game sa Sabado sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Nakatakdang pamunuan ni Valdez, ang reigning PVL Open Conference Most Valuable Player, at ni Pablo, isa ring dating league MVP ang kani-kanilang mga koponan sa magaganap na masaya at competitive na showdown na siyang magpapasimula ng panibago at ikatlong season ng PVL.

Ang laro na mag-uumpisa ng 4:00 ng hapon ay mapapanood ng live sa ABS-CBN S+A HD Channel 166 at via livestream. Layunin din nito na makalikom ng pondo para sa Hero Foundation.

“This is our gift to the fans as well as raising funds for charity,” ani PVL chief Ricky Palou.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kabilang sa koponan ni Valdez sina Ateneo players Deanna Wong, Maddie Madayag at Dani Ravena, Petro Gazz stars Chie Saet at Jessie de Leon, ang mga kakampi nya sa Creamline na sina Michele Gumabao, Mel Gohing at Risa Sato, BanKo-Perlas players Nicole Tiamzon at Kathy Bersola, Iriga-Navy hitter Grazielle Bombita at University of the Philippines ace spiker Isa Molde.

Gagabayan sila ni Petro Gazz coach Jerry Yee.

Makakasama naman ni Pablo ang mga Creamline teammate ni Valdez na sina Jia Morado at Jema Galanza, BanKo-Perlas players Jem Ferrer at Joy Dacoron, Ateneo belles Kat Tolentino, Vanessa Gandler at Bea de Leon, Petro Gazz hitters Jonah Sabete at Cherry Nunag, Tacloban spiker Dimdim Pacres, Pocari-Air Force tower Dell Palomata at Adamson-Akari star Thang Ponce.

Magsisilbi naman nilang mentor si Ateneo coach Oliver Almadro.

Maaaring nang makabili ng tiket online sa halagang P50 para sa upper box at P200 para sa lower box.

-Marivic Awitan