Patay ang isang pulis habang ginagamot ang walo pang kasamahan niya matapos ang pag-atake ng mga hinihinalang rebelde sa Magpet, Cotabato, nitong Lunes ng gabi.

Sa post ng Magpet Police sa Facebook page nito noong Lunes ng gabi, nagtamo ng matitinding sugat si PO1 Christopher Anadon, ng Parang, Maguindanao, at “was declared dead by his attending physician” dakong 9:48 ng gabi.

Binanggit din sa police report na si PO1 Stephenson Batoon Parreño, 27, ay isinugod sa Kidapawan City, kasama si Anadon, upang gamutin.

Nasugatan din sina SPO1 Michael Mariano G. Escaño, 42; PO2 Marinerl R. Pastores, 38; PO1 Eliezer D. Langcuban, 27; PO1 Darrell E. Ferolino, 26; PO1 Phil Jan Ray C. Canarejo, 27; PO1 Franz Deo A. Lechago, 25; at PO1 Mark Vincent Capilitan, 30 anyos.

Probinsya

Lalaking nahaharap sa 26 rape cases, arestado!

Ayon kay Capt. Teresita Cansancio, tagapagsalita ng 4th Infantry Division, sakay ang mga pulis, na nakatalaga sa Provincial Police Mobile Force Company, sa dalawang police mobile vehicle nang masabugan ng landmine sa Barangay Poblacion, Magpet bandang 5:45 ng hapon nitong Lunes.

Ayon sa ulat, nagpapatrulya ang mga pulis sa mga barangay ng Doles at Poblacion, kasunod ng engkuwentro sa Sitio Paraiso, Bgy. Basak, dakong 9:20 ng gabi.

Gayunman, nakasaad sa ulat na nang marating ng mga pulis ang “inclined area of Purok 4-Kabisig, Bgy. Poblacion, a road side bomb suddenly exploded and followed by successive gunburst from believed to be members of New People’s Army (NPA) prompting the troops to retaliate.”

Ayon kay Chief Insp. Rolando Dillera, hepe ng Magpet Police, pabalik na ang police convoy sa headquarters sa Kidapawan City nang mangyari ang insidente.

Itinuro ni Dillera ang NPA na kabilang sa Guerilla Front 53, sa ilalim ni Kumander Alon, bilang mga salarin.

Hindi pa nag-iisyu ng pahayag ang NPA kung ito nga ang responsable sa insidente.

-Zea C. Capistrano, Joseph Jubelag, Armando Fenequito, Jr., at Fer Taboy