MAGTUTULUNGAN ang ahensiyang pangkomunikasyon ng Pilipinas at Myanmar laban sa pagkalat ng fake news at maling impormasyon.
Ito ang ibinahagi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, nitong Biyernes.
Sa panayam sa Philippine News Agency (PNA), sinabi ni Andanar na bukas ang PCOO na magbigay ng tulong at makakuha ng inputs mula sa Ministry of Information ng Myanmar sa pagtugon nito sa isyu ng misinformation na maaaring makatulong sa magkabilang bansa.
“The internet is a worldwide technology so kung merong fake news at kumalat sa buong mundo, pwede nating tawagan sila using our hotline. Kapag meron tayong nakikitang parang mali na balita, we send them right away our response to that news,” aniya.
Ayon kay Andanar, ito ang ikalawang MOU na lalagdaan ng Pilipinas at Myanmar at una sa ilalim ng kanyang pamamahala.
“Unfortunately, the first media exchange program was not active. Right now, we will make sure that something happens. That’s why bumalik sila (they returned) because they really want to make this an active MOU,” paliwanag ni Andanar.
Bukod sa Myanmar, nakapagtatag na rin ang PCOO ng MOU para sa information at media cooperation at exchange sa mga kapwa miyembrong bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Thailand, Singapore, at Cambodia.
Habang ang MOU para sa iba pang miyembrong bansa ng ASEAN sa Vietnam, Brunei at Malaysia ay kasalukuyang nasa proseso.
“P’wede tayong magtulungan as a regional bloc in terms of stopping fake news and disinformation and I think that’s a very potent way to battle this very dangerous way of disseminating disinformation,” giit ni Andanar.
Nitong nagdaang Biyernes, nilagdaan na nina Andanar at Myanmarese counterpart, Information Minister Dr. Pe Myint ang kasunduan hinggil sa pagpapalitan ng impormasyon, personnel, pasilidad, at training conduct of training sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa nilagdaang MOA, nagbibigay ang mga probisyon ng pagpapalitan ng mga balita at impormasyon, pelikula, radyo at ulat sa telebisyon upang makatulong sa pagpapaunlad ng dalawang organisasyon.
Unang lumagda sa kasunduan ang PCOO sa China, South Korea, Cambodia, Hungary, at Russia.
PNA