MARAMING mahihilig sa paghahalaman ang nalungkot, ang iba pa nga ay nagalit, nang gibain ang nag-iisang paraiso sa pitong ektaryang lupain sa Quezon City, upang magbigay-daan sa nagtatayugang gusali na sagisag umano ng kaunlaran.
Halos limang taon na ang nakararaan nang mawala sa makasaysayang lugar ng EDSA ang paraisong ito na kilala sa tawag na Manila Seedling Bank (MSB). Ngunit ang mga na-displaced pala na “plant enthusiast” na may mga puwesto sa dating MSB ay ‘di nagpatalo, sa halip, sila ay nagkapit-bisig at naghanap ng ibang lugar na inut-inot nilang pinagyaman hanggang muling maitayo ang kanilang nawalang munting paraiso.
‘Di ko akalain na magbabalik muli ang munting paraiso na binansagan ko pa nga noon na “Garden of Eden sa EDSA”, sa isang malawak na parke na dating pasyalan namin ng aking mga anak noong sila’y mga paslit pa – sa Ninoy Aquino Parks and Wild Life, ‘di kalayuan sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City.
Sa nakagawian ko nang paglilibot upang makakuha ng pulso ng mga mamamayan na laman ng mga kalsada at bangketa, natiyempuhan ko na rito pala idinaraos ng mga miyembro ng Philippine Horticultural Society (PHS) at iba pang grupo sa paghahalaman – ang bumubuo sa mga na-displaced na “plant enthusiast” ng dating MSB -- ang Philippine Plant Festival 2019 na taun-taon nilang ginagawa, upang palawakin ang kaalaman ng mga mamamayan sa tamang pamamaraan ng pagtatanim at paghahalaman.
Nag-umpisa ang festival nito lamang nakaraang Huwebes (Enero 24) at magtatapos sa Pebrero 5, 2019 na halos araw-araw ay pinuputakti ng mga kababayan nating mahilig sa paghahalaman at mga negosyanteng nakikita ang potensiyal na pagkakitaan ang mga kakaibang halaman at bulaklak na naka-display sa festival.
Nagkaroon pa nga ng paligsahan sa pag-aayos ng halaman at bulaklak na kung tawagin ng mga plant enthusiast ay “upcycle plantascape” at “table top”, na sinalihan ng mga makapigil-hiningang “plant & flower arrangement” na para sa akin ay dapat na sabihing “panalo” lahat sa naturang kompetisyon.
Ngunit take note – hindi lamang mga Pinoy ang nakita kong paikut-ikot sa halos 150 boot, na nagsisilbing animo “tiangge” para sa mga mahilig maghalaman, bagkus pati mga banyaga na tuwang-tuwa sa mga maliliit na halaman at mga bulaklak na galing pa sa kabundukan ng iba’t ibang lalawigan sa buong bansa.
Bukod sa mga halaman at iba pang kagamitan sa pagtatanim na mabibili sa festival, mayroon ding mga libreng pagtuturo -- lecture at workshop hinggil sa paghahalaman – na ginagawa araw-araw simula pa noong buksan ang festival.
At para sa akin, ang pinaka importante sa mga natututuhan sa lecture at workshop ay ‘yung makatutulong sa mga hobbyist kung papaano kumita ng pera, habang nag-eenjoy sa kanilang ginagawang paglilibang – ang pagtatanim, pag-aalaga ng mga “exotic” na halaman at bulaklak na rito lamang makikita sa Pilipinas.
Todo ang suporta ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa grupong ito -- na binubuo ng Philippine Horticultural Society (PHS), Philippine Bonsai Society (PBS), Cactus and Succulent Society of the Philippines (CSSP), Los Baños Horticultural Society (LBHS), Pangasinan Horticultural and Landscape Society (PHLS), Philippine Episcia Growers Society (PEGS), Fern and Aroid Study Group (FASG), Philodendron Philippines (PP), Philippine Bromeliad Society (PBS), Hello Haworthia, Tillandsia Philippines (HHTP), Agave Philippines (AP), at Chili Heads Philippines (CHP) – upang maging matagumpay ang 11 araw na plant festival.
Ano pang hinihintay ninyo mga kababayan? Sugod na sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife at samantalahin ang natatanging festival na ito!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.