Mga Laro Ngayon

(Cuneta Astrodome)

4:30 n.h. -- TNT vs Meralco

7:00 n.g. -- Rain or Shine vs Blackwater

MAKASALO ng Phoenix Pulse sa pamumuno ang tatangkain ng Rain or Shine sa kanilang pagtutuos ngayong gabi sa tampok na laro ng nakatakdang double header sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Philippine Cup elimination sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

'I really love you kuya!' Tapatang Pacquiao brothers, ekis mangyari!

Ikatlong sunod na panalo na magtatabla sa kanila sa Fuel Masters sa liderato ang pupuntiryahin ng Elasto Painters sa pagsagupa nila sa Blackwater Elite ngayong 7:00 ng gabi.

Mauuna rito, magtutuos naman sa pambungad na laro ang sister teams TNT at Meralco ganap na 4:30 ng hapon.

Manggagaling ang Elasto Painters sa 96-87 paggapi sa NLEX Road Warriors at sa 83-80 pag-ungos sa Barangay Ginebra Kings nitong Sabado sa Calasiao, Pangasinan.

Kabaligtaran naman ang Elite na nagtamo ng 91-117 kabiguan sa Northport Batang Pier na nasundan pa ng 94-99 pagkatalo sa Meralco Bolts.

Gayunman, umaasa si Blackwater coach Bong Ramos na makakasumpong din sila ng panalo.

Samantala sa unang laban, sisikapin naman ng Katropa na madugtungan ang naitalang dalawang dikit na panalo pagkaraang mabigo sa unang dalawa nilang laro.

Para naman sa kanilang katunggaling Bolts, maghahangad silang humanay sa San Miguel at Columbian Dyip na may patas ding markang 2-2 gaya ng TNT.

-Marivic Awitan