(Una sa dalawang bahagi)
INTERESANTE ang mga natuklasan sa survey na isinagawa ng Pulse Asia nitong Disyembre 2018. Natukoy dito na nananatiling malaki ang tiwala ng mga Pilipino sa Amerika bilang kaalyado ng Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa gaya ng China at Russia. Nabatid sa survey na 84% ng mga Pinoy ang nagtitiwala sa Amerika, habang mahigit sa kalahati ang walang tiwala sa China (60%) at Russia (54%).
Mahalaga ang survey, partikular sa konteksto ng pinaniniwalaan ng marami na bahagyang pagdistansiya ng administrasyong Duterte sa matagal na nitong kaalyado, ang Amerika, upang paboran ang China at Russia.
Hindi na ito nakagugulat. Ang ugnayan at mga pagkakatulad natin sa Amerika—sa larangan ng pulitika, ekonomiya, at kultura—ay nakaukit na sa ating kasaysayan. Noong panahon ko, ramdam na ramdam ang mistulang pagsamba nating ito sa Amerika. Ipinamulat sa atin na ang Amerika ang pinuno sa buong mundo, at ang sistema ng pamahalaan nito ang pinakamainam kumpara sa iba. Sa katunayan, nang maging malayang bansa tayo noong 1946, ang buong sistemang pulitikal natin ay halos kopyang-kopya sa Amerika.
Demokrasya ang pangunahing minana natin sa Amerika. Bilang polisiyang panlabas, naging pangunahing misyon ng Amerika ang ipalaganap ang estilo ng demokrasya nito sa lahat ng dako ng daigdig. At ang mga dating kolonya nito, gaya ng Pilipinas, ay buong pusong tinanggap ang konsepto nito ng demokrasya.
May mga panahong ang pilosopiya ng batas sa Pilipinas ay itinulad sa Amerika. At ang ating ekonomiya ay labis na nakasalalay sa ekonomiya ng Amerika. Maging sa larangang kultural, hindi makaalpas ang ating pagkakakilanlan sa anino ni Uncle Sam. Bagamat ipinamamalas ng kulturang Pilipino ang pagsasama-sama ng sari-saring impluwensiya, hindi maitatanggi ang malaking epekto ng kulturang Amerikano sa ating mga Pinoy. Mula sa mga burgers hanggang sa de-latang pagkain, pati sa Disneyland at Hollywood, tayo ang mga Amerikano sa Far East.
Sa katunayan, malaking bahagi ng populasyon ng Pilipinas ang hindi kokontra sakaling gawing isa sa mga estado ng Amerika ang ating bansa. Ganun kamahal ng mga Pilipino ang Amerika.
Ang pagkilalang ito sa pamumuno ng Amerika ay hindi na bago sa mga Pilipino. Ayon sa pag-aaral ng Pew Research Center sa 38 bansa “a median of 42% say the U.S. is the world’s leading economy, while 32% name China”. Ganito rin ang pananaw sa buong Latin America, sa halos buong Asya, at sa sub-Saharan Africa. Sa katunayan, 24 sa 38 bansang sinarbey ang itinuturing ang Amerika bilang nangungunang ekonomiya sa mundo.
Subalit kung may isang bagay na kailangan nating mabatid sa kasaysayan, iyon ay ito—walang bagay na hindi nagbabago at panghabambuhay. Permanenteng nakaimprenta sa kasaysayan ng mundo ang mga kuwento ng pamamayagpag at pagsadsad ng kapangyarihan. Ang kasaysayan ng daigdig ay siksik sa mga pagbabago na nagbunsod sa pag-iiba ng pananaw natin sa mundo at kung paano tayo namumuhay. Ilan sa mga pagbabagong ito ay biglaan; nagaganap sa isang iglap. Ngunit karamihan sa mga ito ay halos hindi napapansin—unti-unti o dahan-dahan.
Hinahamon ngayon ng China at Russia ang pandaigdigang pamamayagpag ng Amerika. Kahit sa Pilipinas, mayroong matagal nang kasaysayan ng mga sentimyentong kontra sa Amerika, na nalantad sa kasagsagan ng kontrobersiya sa pagpapanatili o pagpapaalis sa base militar ng Amerika sa ating bansa.
Noong nag-aaral pa ako sa University of the Philippines, lubhang aktibo ang kilusang makakaliwa sa pagpapakalat ng kanilang ideyolohiya na nakabatay sa pagtuligsa sa Amerika bilang imperyalista at kapitalista.
Sa ngayon, ang mga pagbabago sa pandaigdigang ekonomiya, ang nag-iibang pulitikang panloob sa Amerika, at ang iba pang mga bagay ay nagkawing-kawing na upang lumikha ng isang pandaigdigang sitwasyon kung saan ang unipolarity—sistemang internasyunal kung saan namamayagpag ang iisang superpower—ay tuluyan nang dinudurog.
-Manny Villar