PARANG mailap ang Ibon ng Kapayapaan sa Mindanao. Noong Linggo, habang nagmimisa ang pari sa loob ng Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu, dalawang pagsabog ang naganap na ikinamatay ng mahigit sa 20 church goers at ikinasugat ng mahigit 80 katao.

Katatapos lang lagdaan ang Bangsamoro Organic Law (BOL), idinaos ang plebisito sa ilang lugar sa Mindanao noong Enero 21 na kinatigan ng mga residente maliban sa Sulu at Isabela City (Basilan). Ang ikalawang plebisito ay gagawin sa Pebrero 6 sa iba pang mga lugar. Abangan natin kung ano ang magiging kagustuhan ng mga residente ng North Cotabao, Lanao del Norte at iba pa.

Batay sa inisyal na ulat, sa lakas ng pagsabog, nawasak ang entrance o pasukan ng simbahan, sumambulat ang mga upuan at mga bahagi ng katawan ng mga tao na matamang nakikinig sa misa. Kabilang sa namatay ay limang kawal at 15 sibilyan samantalang aabot sa 81 ang sugatan, kabilang ang 65 sibilyan, 14 kawal at dalawang pulis. Maaaring dumami pa ang namatay at sugatan kapag nakumpleto ang ulat ng Philippine National Police (PNP).

Kaugnay nito, nangako ang Malacañang na hindi titigil ang Armed Force of the Philippines (AFP) at PNP upang hanapin, pag-usigin at lipulin ang “godless criminals” na nagpasabog sa loob ng Mount Carmel Cathedral. Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, kinondena ng Duterte administration ang dalawang pagsabog, isa sa loob ng simbahan at isa pa sa labas na bumulabog sa mataimtim na pananalangin at pakikinig ng misa ng mga residente. Para sa Palasyo, ito ay “act of terrorism.”

oOo

Iwanan natin ang karahasan, patayan o bombahan sa Mindanao at dumako naman tayo sa pagandahan. Isa na namang Pilipina, si Karen Gallman na ipinanganak sa Bohol, ang tinanghal na Miss Intercontinental noong Sabado ng gabi nang siya’y ideklara bilang “the most beautiful in all continents”. Siya ang kauna-unahang Pinay na nagtamo ng Miss International crown pagkatapos ng 46 na taon. Sumunod sa yapak ni Miss Universe Catriona Gray ang 26-anyos na si Gallman isang buwan matapos na manalo ni Gray.

Talagang magaganda at kaakit-akit ang mga Pinay, lalo na kung nalahian ng dugong-dayuhan. Sabi nga ng isang kaibigan sa coffeshop, walang purong-dugong Pilipina ang mananalo sa paligsahan ng kagandahan. Kapag ang Pinay daw ay nalahian ng dayuhan, tulad nina Pia Wurtsbach at Catriona Gray, tiyak na panalo. Sahod ng isa pang kaibigan: “Mayroon ba tayong taal na Pilipina o katutubo na isasali sa paligsahan?” Naisip ko, ang mga katutubo natin ay mga Ita (Aetas), Badyao, Lumad, Igorota at iba pa, subalit puwede ba silang lumahok dahil sila ay maliliit o kulang sa sukat at salat sa modernong pagpapaganda.

Makabago na ngayon ang ating kadalagahan o kababaihan. Kung noong panahon ni Maria Clara, nakatago ang mga binti sa mahabang saya na hanggang bukung-bukong, ngayon ang dalagang Pilipina ay lantad ang mga binti at hita, naka-short na maong at halos bakat na ang dalawang pisngi ng langit. Tumingin ka sa itaas at makikita mong ang dibdib na noong panahon ni Leonor Rivera (ni Rizal), ay nakatago nang husto, ngayon ay nakaluwa at makikita ang dalawang bundok ng Mt. Vesuvius.

Ang hindi lang marahil nagbago ay ang bisyong sekswal ng mga pari o prayle, na mula noong panahon ni Padre Damaso ay nambuntis ng babaeng may-asawa. Hanggang ngayon kasi ay may ilang pari na nang-aabuso ng mga sakristan, batang babae o lalaki, at maging ng mga dalaga na humahanga sa kanilang sermon at mga nangungumpisal.

Dahil dito, may katwiran si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magalit sa mga pari at tawagin silang mga ipokrito dahil nambubuntis sila ng mga mananampalataya. Pero, ginoong Pangulo, hindi naman lahat ng pari ay mambubuntis at ganoon, bagamat mayroon ding mga suwail, tiwali at ma-L kaya ‘di dapat lahatin.

-Bert de Guzman