Kumikilos na ang awtoridad laban kay alyas "Kamah" at dalawa pang persons-of-interest sa likod ng pambobomba sa isang simbahan sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng 21 katao at ikinasugat ng 112 iba pa.
Sa ipinadalang mensahe sa BALITA nitong Lunes ng gabi, kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde ang pagkakakilanlan ng isa sa mga persons-of-interest bilang si Kamah.
Ayon sa PNP chief, si Kamah ay nakasuot ng blue green na jacket malapit sa cathedral ilang sandali bago ang pagsabog.
Sa closed-circuit television (CCTV) video na hawak ng awtoridad, isang batang lalaki na nakasuot ng blue green na jacket ay nasilayan kasama ang dalawang iba pa sa Jolo Cathedral.
Sa isang sandali, nakita ang lalaki na may ibinibigay sa kanyang kasama na nakasuot ng sombrero at bag ngunit sila ay nawala nang maganap ang unang pagsabog.
Sa isa pang CCTV footage, nakita ang isang lalaki na may ipinasa sa kanyang kasama.
Nagsimula nang magkagulo at nagtakbuhan ang mga tao kabilang ang tatlong lalaki. Gayunman, ang lalaking nakasuot ng blue green na jacket ay kumaripas sa ibang direksiyon.
Ang batang lalaki na nakasuot ng blue green na jacket ay sinasabing si Kamah nang pasabugin niya ang mga bomba.
Sinabi ni Albayalde na si Kamah ay kabilang sa Abu Sayyaf Group (ASG) sub-group Ajang-Ajang, na unang iniugnay ng militar bilang nasa likod ng Jolo Cathedral blast nitong Linggo.
"Ajang-Ajang is no different to Abu Sayyaf Group. The ASG is using younger fighters to carry out offensive attacks. The members of Ajang-Ajang are either the orphans of the ASG or their relatives," sabi ni Albayalde, sa hiwalay na panayam sa telebisyon nitong Martes.
Wala pang ibang detalye sa pagkatao ni Kamah, ngunit sa ulat ng DZMM, siya ay kapatid ng pinaslang na ASG leader na si Surakah Ingog.
"This group [Ajang-Ajang] is originally from Sulu, that is where their lair is. We only know his alias but the investigators said he is known in the community because he lives there," dagdag ni Albayalde.
'ACT OF TERROR'
Inaalam na ng awtoridad ang motibo sa pag-atake, ngunit sinabi ni Albayalde na wala silang nakikitang ugnayan sa pagitan ng insidente at ng kadaraos na Bangsamoro Organic Law (BOL), na layuning magtatag ng bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
DEATH TOLL
Ipinahayag din ni Albayalde ang posibilidad na tumaas pa ang bilang ng mga nasawi.
"We are still identifying at least two [victims]. There were dismembered parts that our men onnthe ground have discovered," pahayag ni Albayalde.
Habang isinusulat ito, nasa 21 na ang nasawi sa insidente. Habang sa 112 sugatan, 54 ang nananatiling na sa ospital.
HEIGHTENED ALERT SA BI
Inalerto ng Bureau of Immigration (BI) ang mga tauhan nito sa iba’t ibang paliparan at daungan upang mapigilan ang posibleng pagpasok ng mga dayuhang terorista sa gitna ng pambobomba sa Jolo, Sulu.
"I have instructed our port operations division to alert all its personnel and be on the lookout for suspected foreign terrorists who might attempt to enter the country," sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente.
KINONDENA NG JAPAN, FRANCE
Kinondenan ng France at Japan nitong Lunes ang pag-atake at nagpaabot ng pakikiramay pamilya ng mga biktima.
"France utterly condemns the attack against the cathedral in Jolo Island last January 27, for which Daesh has claimed responsibility and which killed some 20 people and injured around 100 others, according to the information available," pahayag ng French Embassy sa Maynila.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda sa pamilya ng mga biktima.
"Such terrorist attacks shall never be tolerated. Japan firmly condemns this terrorist act in the strongest terms," pahayag ng Japanese Embassy.
-MARTIN A. SADONGDONG, JUN RAMIREZ, MINA NAVARRO, at ROY MABASA