ANG pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu, nitong nagdaang Linggo, kung saan 20 katao ang nasawi at 81 ang sugatan, ay naglantad ng maraming anggulo sa usapin ng kapayapaan at kaayusan sa Mindanao.
Nangyari ang pag-atake isang linggo matapos bumoto ang Sulu kontra sa Bangsamoro Organic Law, na nagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) bilang kapalit ng 32 taon nang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).
Sa mga paunang ulat, lumilitaw ang posibilidad ng pag-atake ng puwersa na kinilalang may kaugnayan sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), na siyang nasa likod ng pag-atake sa Marawi City noong 2017. Matapos maubos ang puwersa na nauugnay sa ISIS sa Marawi, nagkaroon ng pangamba na umatake ang international jihadist group sa alinmang bahagi ng Mindanao, upang maisakatuparan ang hangarin na makapagtatag ng isang ISIS center sa Southeast Asia.
Gayunman, kasabay nito, nanatili ang takot na ang pag-atake sa Jolo ay may kaugnayan sa pagsisikap na maitatag ang Bangsamoro Autonomous Region, na matagal nang ipinaglalaban ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa buong kasaysayan ng ating bansa, matapang na inalmahan ng mga Moro sa Mindanao ang lahat ng hakbang na gapiin sila. Nakipaglaban sila sa mga Espanyol, sa mga Amerikano, mga puwersang kolonyal, maging sa puwersa ng pamahalaan ng Pilipinas matapos maideklara ang kalayaan noong 1946. Noong 1987, pormal na nagpagdesisyunan na magkaroon ang mga Moro ng Mindanao ng sariling Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).
Pinangasiwaan ang ARMM ni Nur Misuari ng Sulu at ng iba pang lider ng Moro National Liberation Front (MNLF). Nakipaghiwalay ang Moro Islamic Liberation Force (MILF) sa bahagi ng central at katimugang Mindanao mula sa MNLF at patuloy na nakipaglaban sa pamahalaan hanggang magtagumpay sa hangarin nito na isang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).
Matagal nang may mga naniniwala na dapat na magkaroon ng dalawang autonomous na rehiyon sa Mindanao para sa mga Moro—isa na kumakatawan sa MNLF, at isa para sa MILF. Ang nalalapit na BARMM ng MILF ay nakatakdang pumalit sa ARMM ng MNLF. Ito ang maaaring paliwanag kung bakit tinanggihan ng Sulu ang Bangsamoro Basic Law sa plebesito. Umaasa tayong ang ipinapakitang pagsalungat sa plebisito ay hindi umabot sa karahasan.
May iba pang posibleng grupo na maaaring nasa likod ng pambobomba sa Jolo. Nariyan ang Abu Sayyaf, na matagal nang malayang kumikilos mula sa MILF at MNLF, ngunit hindi ito nagkaroon ng isang malaking operasyon katulad ng pambobomba sa Cathedral na kumitil sa buhay ng 20. Nariyan din ang New People’s Army (NPA) ngunit malabo nitong atakihin ang isang simbahang Katoliko.
Ang buong madugong insidente ay nananatiling malaking katanunagan hanggang ngayon. Umaasa tayo na mabilis na matutukoy ng militar ang ugat ng pag-atakeng ito, bilang unang hakbang sa paghahanap ng mga salarin gamit ang lahat ng maaaring makatulong mula sa utos ng pamahalaan.