Sa harap ng magkasunod na pambobomba sa Jolo, Sulu, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang militar na paulanan ng bomba ang kuta ng Abu Sayyaf Group, subalit nagpaalalang siguruhin na walang sibilyan na madadamay sa kaguluhan.

Si Pangulong Rodrigo Duterte sa Jolo, Sulu nitong Lunes. EPA

Si Pangulong Rodrigo Duterte sa Jolo, Sulu nitong Lunes. EPA

Sinabi ni Duterte na maaaring gamitin ng militar ang lahat ng gamit nitong panglupa, pangdagat at panghimpapawid upang ma-“destroy” ang Abu Sayyaf, subalit mahalagang paalisin muna ang mga sibilyan sa lugar upang maiwasang madamay ang mga ito.

“I ordered you to destroy the organization. I’m ordering you now: pulpugin ninyo ang Abu Sayyaf by whatever means,” sinabi ni Duterte sa kanyang pagbisita sa Jolo kahapon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Meron man tayong helicopter, may eroplano, may mga barko. Eh iyong mga bala natin diyan sa mga kanyon ninyo... paputukin na ninyo. Ibomba muna ninyo lahat, magbili na tayo ng bagong stock. Ngayon kung may inosente mamatay, iwasan ninyo,” anang Presidente.

Aniya, kapag natukoy na ng militar ang kuta ng teroristang grupo, dapat na kaagad na paalisin sa lugar ang mga sibilyan para sa kaligtasan ng mga ito.

Tiniyak din niyang magkakaloob ang gobyerno ng pagkain at iba pang pangangailangan sa mga ililikas dahil sa operasyon ng militar.

“Sabihin ninyo pagkabobombahin mo ‘yang lahat, paalisin mo iyong mga tao. Paalisin mo ‘yung mga tao, ilagay mo dito, kung saan ako ang mag—ako ang maggastos ng pagkain, lahat.

“Kunin ko ‘yung lahat ng inosenteng tao. Halikayo rito, ako ang magpakain muna. Magsakripisyo ako. Hanap ako pera. Tapos pulpugin mo ‘yang teritoryo nila. So pagkatapos wala nang magtindig. Ke aso, ke manok, ke lahat, pati tao. Giyera man kaya ito,” ani Duterte.

Unang binisita ng Pangulo ang Jolo Cathedral, ang lugar ng pagsabog nitong Linggo na ikinasawi ng 21 katao, bago niya binisita ang mahigit 100 nasugatang sundalo at sibilyan at pinagkalooban ang mga ito ng ayudang pinansiyal, saka nakiramay sa pamilya ng mga nasawi.

Sa kanyang speech, sinabi ni Duterte na hindi dapat na matakot ang militar sa mga gagawing pag-atake at tuluyang durugin ang Abu Sayyaf.

“Pero kung sabihin mo lang takot ka mag-attack kasi makapatay ka ng inosente, p***** i** talo ka. Eh kung nandiyan ‘yan sila palagi?”

“Ang sabi ko ‘pag may target kayo, paalamin mo lang ako, hanap ako ng pera, maglagay tayo ng unit there, sabihin natin six months lang. Tapos bantayan ng Intelligence ‘yung sumasama. Pagkatapos bombahin ninyo. Para magbili tayo mga bagong bomba.”

Kasabay nito, umapela si Duterte sa mga taga-Jolo na makipagtulungan sa gobyerno laban sa pagpuksa sa Abu Sayyaf.

“‘Pag hindi, ‘pag nahulog ‘yang bomba sa ulo ninyo, inyo ‘yan,” ani Duterte. “‘Pag hindi, mawawala itong Pilipinas pati Jolo. Balang araw hindi na ito parte ng Pilipinas.

Genalyn Kabiling at Beth Camia