MARAMING pampublikong proyekto ang hindi na natapos dahil sa mapakaraming rason sa maraming bahagi ng bansa. Sa Metro Manila, ang nakataas na highway na nagkokonekta sa North Expressway patungong South Expressway ay sinimulan pa noong administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino, kung saan ilang naglalakihang poste ang nakatayo sa ilang bahagi ng proyekto, ngunit wala sa ibang bahagi na may problema ng right of way.
Sa ibang mga proyekto, inirereklamo ng mga lokal na residente ang kanilang mga kalsada na binungkal sa simula, nagdulot ng trapik, at pinabayaan nang nakatiwangwang sa loob ng ilang linggo at buwan. Sa ibang mga kaso, ang maayos na kalsada ay sinisira naman.
Nitong nakaraang linggo, nangako si Secretary mark Villar ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi na palalampasin ng ahensiya ang mga ganitong nakagawiang trabaho sa mga proyektong pampubliko, na iniwang nakatiwangwang sa loob ng ilang buwan. Ipinahayag niya ang system checking sa mga contractors, kasama ng pagpapataw ng multa para sa mga paglabag.
Kapag nakita ng system ang slippage na 5 porsiyento, aniya, bibigyan ng paalala ang contractor at kinakailangang magsumite ng isang “catch-up program” upang matanggal ang slippage. Kung lumala ang slippage sa 10%, bibigyan ng second warning ang contractor at ipag-uutos ang pagsumite ng isang detalyadong action plan na ipatutupad sa loob ng susunod na dalawang linggo, kung saan idinidetalye ang dagdag na pagkukunan ng pondo, ang kakailangang trabahador, materyales, kagamitan, at pag-aksiyon ng namamahala para sa action program.
Kung sakaling umabot sa 15% ang slippage, ibibigay ang huling palugit sa contractor at iuutos ang pagpasa ng mas detalyadong programa ng mga dagdag na kailangan. Kada linggo, sisiyasatin ng DPWH ang ginagawang aksiyon ng contractor. Kinakailangan din maghanda ng mga project manager, district engineer, o regional engineer ng isang contingency plan para sa pagpapahinto ng kontrata at pagkuha ng administrasyon sa proyekto o ng panibagong contractor.
Lahat ng contractor na makakukuha ng 15% slippage o higit pa ay hindi na maaaring makilahok sa mga susunod na bidding.
Ibinahagi ni Secretary Villar na 14 na contractor ang blacklisted na ng ahensiya. Kabilang sa mga ito ang contractor ng proyektong tulay sa Camarines Norte, flood control project sa Cagayan, road project sa Iloilo, school building sa Surigao del Sur, at pagsasaayos ng ilang gusali sa Surigao del Norte.
Malapit nang ipatupad ng administrasyon ang programang pang-imprastruktura na “Build, Build, Build”, kung saan ang DPWH ang sentro ng lahat ng ito. Hindi natin maaaring ilunsad ang napakaraming proyekto na matitigil lamang at ititiwangwang sa susunod na mga buwan o maging taon katulad nang dati.
Marami sa nakasaksi ng napakaraming pagkaantala sa mga proyekto sa nakalipas na maraming administrasyon ay mauunawaan kung bakit nangangamba ang mga ito na baka wala ring magbabago ngayon, ngunit si Secretary Villar, sa ilalim ng kanyang bagong sistema ng pagmumulta para sa mga contractor na hindi nakasusunod sa kanilang proyekto, ay nagpakita ng kagustuhan na matigil ang ganitong kalakaran ng pagpapalampas sa mga nilalabag. Kasama si Pangulong Duterte na nakaagapay sa kanya, nawa’y magkaroon tayo ng bagong panahon ng konstruksiyon ng mga imprastruktura sa bansa.