Muling itinalaga ni Pangulong Duterte ang sinibak niya sa puwesto na si Labor Undersecretary Joel Maglunsod sa ibang opisina sa pinanggalingan nitong Department of Labor and Employment (DoLE).
Base ito sa opisyal na dokumento na inilabas ng Palasyo, na nakasaad na si Maglunsod na ang bagong Executive Director III sa National Maritime Polytechnic ng DoLE.
Sa press briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hihingin pa niya ang pahayag ng Pangulo sa pagbabalik ni Maglunsod sa gobyerno.
Oktubre ng nakaraang taon nang sinibak ni Duterte si Maglunsod, isa sa mga makakaliwang personalidad na una niyang itinalaga sa puwesto pagkahalal niya noong 2016.
Bagamat hindi idinetalye ni Duterte ang dahilan ng pagsibak, sinabi niya na binigyan na niya ang mga makakaliwang grupo ng pagkakataon na magsilbi sa bansa. Ngunit nais pa rin, aniya, ng mga ito na magtayo ng sarili nilang gobyerno.
Una nang nagpahayag ng pagsisisi ang Pangulo sa pagtatalaga sa mga leftist sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan, kasabay ng pagsasabing sinayang lang ng Communist Party of the Philippines- National Democratic Front-New People’s Army ang oportunidad na patunayan ang kakayahan nilang maglingkod sa pamahalaan.
-Argyll Cyrus B. Geducos