11-game winning streak sa GS Warriors
INDIANAPOLIS (AP) — Wala pang talo si DeMarcus Cousins bilang isang Warrior.

Nahila ng Golden State Warriors ang winning streak sa 11 – pinakamahaba sa kasalukuyan – kabilang ang huling apat na laro na kasama ang All-Star forward matapos durugin ang Indiana Pacers, 132-100, nitong Lunes (Martes sa Manila).
Nagsalansan si Stephen Curry ng 26 puntos, tampok ang 23 sa first half, habang kumana si Cousins ng 22 puntos para makamit ang pagwalis sa five-game road trip. Nag-ambag si Kevin Durant ng 16 puntos.
Nanguna si Myles Turner sa Indiana na may 16 puntos at kumana si Bojan Bogdanovic ng 15 puntos sa ikalawang sunod na kabiguan ng Pacers mula nang magtamo ng injury ang pambato nilang All-Star guard Victor Oladipo.
Naitala ni Curry ang walong sunod na puntos para ilayo ang Warriors mula sa 16-all sa kalagitnaan ng first period. Mula rito, hindi na nakalapit ang Indiana.
Sa naisalpak na apat na three-pointer, tinanghal si Curry ang unang player sa kasaysayan ng NBA na nakapagtala ng 200 three-pointer sa pitong sunod na season. Nagsimula ang season na tabla sina Curry at Klay Thompson na may anim na season.
CELTICS 112, NETS 104
Sa Boston, ginapi ng Celtics, sa pangunguna nina Jaylen Brown at Marcus Smart na timipa ng tig-21 puntos, ang Brooklyn Nets para tuldukan ang six-game winning streak ng Brooklyn.
Nag-ambag si Aron Baynes ng 16 puntos at kumubra sina Marcus Morris ng 15 puntos, Al Horford at Terry Rozier na may tig-14 puntos sa Boston, napantayan ang franchise record na 16 blocked shots.
Naglaro ang Celtics na wala ang star guard na si Kyrie Irving, nagtamo ng pamamaga sa kaliwang balakang.
Nanguna sa Nets si D’Angelo Russell na may 25 puntos at kumabig si Shabazz Napier ng 20 puntos.
HORNETS 101,
KNICKS 92
Sa Charlotte, hataw sina Kemba Walker at Tony Parker ng tig-15 puntos at naisalpak ni Malik Monk ang apat na krusyal na three-pointers sa fourth quarter para sandigan ang Charlotte Hornets kontra New York Knicks.
Kumana si Monk ng 14 puntos, tampok ang 12 sa fourth quarter para pangunahan ang 17-1 run ng Charlotte.
Nanguna sa Knicks sina Kevin Knox at Tim Hardaway Jr. na may 19 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod.
HAWKS 123,
CLIPPERS 118
Sa Los Angeles, ratsada si Trae Young sa naiskor na 26 puntos at tumipa si John Collins ng 22 puntos sa panalo ng Atlanta Hawks kontra Los Angeles Clippers.
Nakamit ng Hawks ang unang panalo laban sa Pacific Division rival at natuldukan ang five-game losing skid laban sa Clippers simula noong March 5, 2016.
Nagsalansan si Alex Len ng 19 puntos at siyam na rebounds mula sa bench ng Hawks.
Nanguna si Tobias Harris sa naiskor na 30 pountos sa Clippers, natuldukan ang three-game winning. Nag-ambag si Lou Williams ng 21 puntos at siyam na assists, at tumipa si Montrezl Harrell ng 18 puntos.