“NANGAMPANYA si Pangulong Rodrigo Duterte sa buong bansa para sa pederalismo dahil gusto niyang masiguro na ang pondo ay maikalat sa mga probinsiya at rehiyon, at hindi iyong nakasentro sa tinawag niyang ‘Imperial Manila’. Pero, ang kanyang 2019 National Expenditure Program ay nagpapakitang kabaligtaran ito,” wika ni Bayan Muna chair Neri Colmenares.
Bakit nasabi ito ni Colmenares? Kasi, ayon kay Bayan Muna Party-lis Rep. Carlos Sarate, sa National Expenditure Program ng Pangulo, binawasan niya ang pangrehiyong alokasyon para sa Visayas at Mindanao. Mula sa 412 bilyong piso noong 2018, aniya, ginawa niya lang itong 400 bilyong piso nitong 2019.
“Pero ang pinakamalaking binawasan umano niya ay ang para sa Mindanao na mula sa 608 bilyong piso, ay ibinaba niya sa 585 bilyong piso. Binawasan niya ang alokasyon sa Visayas at Mindanao, pero dinagdagan naman niya ang sa National Capital Region o Metro Manila, mula sa 817 bilyong piso noong 2018 na ngayon ay 834 bilyong piso sa 2019 budget,” dagdag pa ni Zarate.
Hindi lang nasira ang Pangulo sa pangakong ito na ikakalat niya ang pondo ng bayan upang matulungan ang mga dukhang rehiyon at probinsiya ng bansa. Hanggang ngayon, isyu pa rin ang kontraktuwalisasyon na ipinangako niyang wawakasan niya kapag siya ay nagwagi.
Ang pangako pa niyang maliwanag na kanyang nilabag ay ang sinabi niyang ipaglalaban ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea na inaangkin ng China. Ang matapang na ipinangako niya sa bayan ay mag-isa siyang mag-iiski sa pinag-aagawang lugar at itatanim niya ang bandila ng Pilipinas.
Ngayon, dahil sa kanya, ang makikita nang nakatanim dito ay ang islang ginawa ng China at ang kanyang mga barko, eroplano at iba pang mga instrumentong pandigma.
Kung totoo ang sinabi nina Party-list Rep. Zarate at Bayan chair Colmenares, hindi lang pagbabawas ng pondo ang ginawa ng Pangulo sa Mindanao. Inabo pa niya ang Marawi at isinailalim ang kabuuan ng Mindanao sa martial law. Hindi ganito ang paraan ng paglutas ng kaguluhan sa Mindanao.
Nasa wastong direksiyon ang Pangulo nang siya ay nangangampanya at nangakong ikakalat niya ang pondo ng bayan. Nasa posisyon siya ngayon para gawin ito.
Ginawa ito ng lahat ng mga Pangulong nauna sa kanya. Lahat ng mga proyekto para sa kaunlaran ay ginawa nila sa kani-kanilang probinsiya at bayan. Dahil sila ay taga-Luzon, ito ang higit nilang inasikaso kaya nila napabayaan ang ibang mga rehiyon.
Ngayon lang may nahalal na Pangulo ng bansa na taga-Mindanao, dapat ay dito niya ibuhos ang yaman at biyaya ng bansa, hindi iyong winawasak ito.
Iba ang pananaw ni Pangulong Duterte, kahit dito siya nagmula. Iba ang inilalapat niyang lunas para matamasa ng mamamayan niya ang kaunlaran at kapayapaan. Kamay na bakal at militarisasyon ang kanyang paraan.
Dahil dito niya ito pinaiiral, binawasan niya ang pondo para rito at inilaan sa Metro Manila dahil dito niya nakikita ang mamamayang kumokontra na sa kanya. Mistulang kailangan niyang gawin ito dahil nalalapit na ang halalan.
-Ric Valmonte