MASUSUKAT ng todo ang kahandaan ng Mighty Sports sa kanilang pagsabak sa Dubai International Basketball Championship sa isa pang exhibition match – sa pagkakataong ito –laban sa PBA Governors’ Cup champion Magnolia ngayon sa Ronac gym sa San Juan City.
Inaasahan ni coach Charles Tiu na mas kakikitaan niya ng gilas at tamang porma ang koponan laban sa Hotshots ganap na 9:30 ng umaga.
Sa kabila ng panalo kontra Blackwater Elite, 106-99, sa unang tune-up game, iginiit ni Tiu, nakabatatang kapatid ni dating Rain or Shine star guard Chris Tiu, na malayo pa ang porma ng kopoan sa kanyang inaasahan.
“Though a win is a win, we still have a lot of work to do,” pahayag ni Tiu.
“In a scale of 10, we’re still at level 5,” ayon sa CNN Philippines Sports Desk anchor. “We need to reach 7 or 8 before we leave for Dubai. The tournament there is very tough.”
Itinataguyod ng Go For Gold, SMDC, Healthcube at Oriental Group, nakatakdang tumulak patungong Dubai ang Mighty Sports sa Huwebes para mapaghandaan ng todo ang torneo na nakatakda sa Pebrero 1-9.
Makakaharap nila ang mga koponan mula sa Lebanon, Jordan at United Arab Emirates.
Kumpiyansa naman si Alex Wongchuking, kaakibat ng nakababatang kapatid na si Caesar sa pagmamantina ng koponan, na malalagpasan ng Mighty Sports ang mga nakalipas na kampanya sa liga.
“I’ll be happier if we can reach the semis this time,” pahayag ni Wongchuking. “That’s our goal and I’m confident coach Charles, coach Jong (Uichico), coach Woody (Co) and coach Dean (Castano) can bring out the best from Lamar (Odom) and the rest of the team,” aniya.
Wala pa sa kondisyon ang 6-foot-10 Odom, ngunit inaasahang mas magiging malupit ito sa paglarga ng torneo.
“My legs are dead a little bit but it’s going to be better as time goes by,” sambit ni Odom.
Sasandalan din ng Mighty Sports si Ginebra resident import Justine Brownlee, gayundin sina Chinese league veteran Randolp Morris at Fil-Am players Jeremiah Gray at Roosevelt Adams – na kapwa maasahan sa long distance shooting.
Kasama rin sa koponan sina dating pro TY Tang, Joseph Yeo, Santy Santillan, ex-Ginebra player Jett Manuel, Gab Banal, University of the Philippines playmaker Juan Gomez de Liaño, College of St. Benilde’s Justin Gutang at dating Xavier star Angelo Wongchuking.