USAP-USAPAN na ang naiibang bagong teleserye ng GMA Network, ang Kara- Mia, na pinagbibidahan nina Barbie Forteza at Mika dela Cruz kahit teaser pa lamang ang napapanood ng publiko.
Marami kasing ayaw maniwala na p’wedeng mangyari na sa iisang katawan ay dalawa ang mukha. Si Barbie ay si Kara at kapag tumalikod siya, lumalabas naman ang mukha ni Mia, na ginagampanan ni Mika.
Kaya naman amused sina Barbie at Mika amused sa mga comments na nababasa nila mula sa mga netizens. May nagsasabing kinopya raw lamang ng GMA ang istorya nito sa Harry Potter.
Dahil dito ay naglabas ang GMA ng press release na ang Kara Mia ay batay sa tunay na istorya mula sa India. Tungkol ito sa kaso ng disprosopus or craniofacial duplication, isang congenital defect na ang dalawang mukha ay nag-share sa iisang katawan. May naiulat ding kaparehas na kaso nito sa Great Britain.
Ano namang masasabi nina Barbie at Mika na sa ngayon pa lang pinag-uusapan na ang kanilang bagong serye?
“Para po sa akin, this is something new,” sabi ni Barbie. “Kahit ako nagulat nang i-offer sa akin ito, after ng dalawang romantic-comedy series na ginawa ko, ang “Meant To Be” at “Inday Will Always Love You.” Pero naroon din iyong kaba na baka hindi magustuhan ng televiewers pero mas optimistic naman ako na ang mga tao ay naghahanap lagi ng bagong mapapanood kaya baka maging interesado rin sila kapag ipinalabas na ang serye naming ito.”
“Ako naman po, ang una kong naisip parang ang creepy naman ng kuwento,” sabi ni Mika. “Pero nang makabasa na ako ng mga reactions ng mga netizens sa social media, naisip ko rin na nakaka-intriga talaga ang concept ng show at alam kong magugustuhan nila ito. Hindi ko rin po alam kung paano ang gagawin sa special effects na magkabaligtad ang mukha namin ni Barbie until nagsimula na kaming mag-taping. Sa Bacolod pa po kami nagsimulang mag-taping para maiba naman ang location. Kasama namin doon sina Ms. Carmina (Villarroel), Tito John (Estrada) at si Ms. Glydel Mercado.”
Malapit nang mapanood ang Kara-Mia sa primetime telebabad ng GMA 7 na nagtatampok din kina Jak Roberto, Paul Salas, Mike Tan, at Alicia Alonzo, sa direksyon ni Albert Langitan
-NORA V. CALDERON