ANG isa sa malaking bayan sa silangang bahagi ng lalawigan ng Rizal ay ang Tanay. Isang makasaysayang bayan ito sa Eastern Rizal. May siyam na barangay sa bayan at may sampung barangay naman sa kabundukan.
Ayon sa kasaysayan, noong Enero 16, 1571, nang ibigay ni Miguel Lopez de Legazpi ang kapangyarihan kay Juan Maldonado, ay sinimulan na nitong sakupin ang mga naninirahan sa tabi ng ilog ng Morong kasama ang 11 bayan sa baybayin ng “Rinconada de Morong”, na ngayon ay tinatawag na Laguna de Bay. Nasakop noong 1572 ang mga bayan na nasa baybayin ng Laguna de Bay ngunit hindi napasuko ang mga nakatira sa Tanay o Inalsan (dating pangalan ng Tanay).
Matapos magmisyon ang mga paring Franciscano na sina Father Juan de Plasencia at Father Diego de Oropesa noong 1606, ang Tanay na dating sakop ng Pililla ay naging isang bayan. Ang unang pari ay si Padre Pedro de Talavera. Ginawang patron saint si San Ildefonso na isang Arsobispo ng Toledo, Espanya na naging banal o santo.
Matapos ang dalawang sunog, itinayo noong 1840 ang bagong simbahan ng Tanay sa lugar na kinatatayuan nito ngayon sa kabayanan. At nang sumapit ang Enero 24,1840, ginanap ang kauna-unahang pista sa bayan na ngayon ay isa nang tradisyon at bahagi na ng kultura ng mga mamamayan.
Ang sampung barangay na nasa kabudukan ng Tanay ay Sampaloc. Sa nasabing barangay nakatayo ang resthouse ni dating Pangulong Erap. Dito siya naka-house arrest. Nasa Bgy. Sampaloc din ang Camp Mateo Capinpin ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army.
Ang siyam na barangay sa bundok ay ang Bgy. Daraitan, Laiban (na binalak palubugin upang maging dam ngunit hindi natuloy); Cuyambay, San Andres, Sto. Niño, Cayabo, Mamuyao, Tinukan at Bgy. Sta. Ines na halos boundary na ng Rizal at Quezon.
Sinasabing noong dekada ‘60, tanging ang pangkat lamang ng mga Dumagat ang naninirahan sa Bgy. Sta. Ines. Pagmimina, pagkakaingin at pangangaso ang kanilang ikinabubuhay. Dumami lamang ang mga tao sa naturang barangay dahil sa nabalitaan na may mina sa Angelo, isang lugar na nasasakupan ng General Nakar, Quezon na dinaraanan ng mga tao.
Dumating na rin sa nasabing lugar ang mag Igorot upang doon na rin manirahan at magsaka. Ngunit ayaw ng mga katutubong Dumagat na mahaluan sila ng iba. Kaya, ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian. Lumayo sila sapagkat nahihiya silang makihalubilo dahil alam nilang sila’y mangmang.
Napadpad ang mga Dumagat sa liblib na pook ng Sitio Nayon at Sitio Kinabuan pa bahagi na rin ng Bgy. Sta. Ines. Hinikayat sila ng mga namumuno ng Anglecan Church upang sumapi sa kanilang relihiyon ngunit hindi nagtagumpay ang panghihikayat.
Nang makarating ang isang misyonerong pari mula sa Inglatera na si Father Kub, pinag-aral niya ang mga Dumagat. Ngunit dahil sa naiiba nilang kultura ay walang nakatapos ng pag-aaral.
Nang dumating naman si Father Decon, isang pari ng Episcopal Church, pinag-aral niya ang mga katutubo. Kumuha siya ng magtuuro sa mga ito ngunit wala pa ring nangyari dahil mas gusto ng mga Dumagat na magkaingin kaysa mag-aral. Ayaw nilang magpatuloy ng pag-aaral sapagkat mahalaga sa kanila ang paghahanapbuhay.
Hindi nawalan ng pag-asa ang pari at pumayag na ring mag-aral ang mga Dumagat kalaunan. Naisip nilang ayaw rin nilang lumaking mangmang ang kanilang mga anak.
Sa ngayon, hindi pa rin maiwan ng mga Dumagat ang kanilang kinagisnang kultura. At sa pamamagitan ng Alternative Learning System ng Dep-Ed Family sa pangunguna noon ni Dra. Edith Doblada, DepEd Rizal Division Superintendent, at sa pakikipagtulungan ng mga District Supervisor, ALS consultant, ng lokal na opisyal ng Tanay at ng tribal chieftain, naipagpatuloy ang programa at nagkaroon ng magandang bunga ang kanilang mga pagsisikap.
Kahit malayo ang tirahan ng mga Dumagat ay pumupunta sila sa Learning Center makamit lamang nila ang kanilang layunin – ang makapagtapos ng pag-aaral upang hindi sila maloko ng sinuman.
-Clemen Bautista