NAGPATULONG ang National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) sa dalawang kabataang celebrities at itinalaga ang mga ito bilang youth ambassadors sa pagpupursige ng gobyerno sa kampanya nito laban sa terorismo, ayon sa Bureau of External Affairs (BEA) ng komisyon.

Queenie at Angelo

Pumayag si Queenie Padilla, panganay na anak ni Robin Padilla; at ang aktor na si Angelo Carreon Mamay na maging youth ambassador for peace para sa Bureau of Peace and Conflict Resolution (BPCR) at Bureau of Muslim Settlements (BMS) ng NCMF, ayon kay BEA Director Jun Alonto-Datu Ramos.

Maglulunsad sina Queenie at Angelo ng kani-kanilang official peace advocacy sa general consultative assembly ng kabataang Muslim, sa pakikipagtulungan ng NCMF at ng United Nations’ Development Program (UNDP) sa Marawi City, ayon kay Datu Ramos.

Jodi Sta. Maria, aminadong mahirap ang blended family

Aniya, ang asembliya, na may temang “Strengthening National and Local Resilience to Risks of Violent Extremism in the Philippines”, ay idinaos kahapon, Enero 27, sa convention center ng Mindanao State University sa Marawi City, ang nag-iisang Islamic city sa bansa na winasak ng limang-buwang bakbakan ng tropa ng gobyerno laban sa Maute-ISIS at Abu Sayyaf Group noong 2017.

Muslim din na tulad ng kanyang ama, nakasuot si Queenie ng hijab habang tumutulong sa pagpapaliwanag sa kabataan tungkol sa tunay na kahulugan ng Islam bilang relihiyon ng kapayapaan, ayon kay BCPR Director Cosanie Derogongan.

Matatandaang tumulong si Robin kay Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Mujiv Hataman sa pangangampanya para sa Bangsamoro Organic Law (BOL), na inaprubahan ng mga botante sa plebisito nitong Enero 21.

-ALI G. MACABALANG