HALOS isang buwan nang ginagamit ng pamahalaan ang lumang budget sa operasyon nito, dahil ang P3.75 trillion 2019 National Appropriation Bill ay hindi pa naaaprubahan ng Kongreso at nalalagdaan ni Pangulong Duterte bilang batas.
Sa kabila ng pagkaantala, nananatiling bukas ang lahat ng opisina ng gobyerno at nagpapatuloy ang lahat ng mga empleyado ng pamahalaan sa kanilang trabaho dahil sa probisyon ng ating konstitusyon para sa isang awtomatikong paggamit ng lumang budget sakaling maantala ang pagpasa ng Kongreso. Walang ganitong probisyon ang gobyerno ng Amerika, kaya naman nasa gitna ito ngayon ng lumalalang krisis kung saan maraming ahensiya, katulad ng mga pambansang kulungan at paliparan, ang napilitang pagpahingahin muna ang kanilang mga empleyado. Tinanggihan ni President Trump na lagdaan ang budget hanggat hindi isinasama ng Kongreso ang hinihingi niyang $5.7 billion para sa pader na balak itayo sa pagitan ng Amerika at Mexico.
Bagamat walang ganitong problema ang gobyerno ng Pilipinas, ang patuloy na kabiguan na hindi mapagtibay ang 2019 national budget ang napapaantala sa ilang malalaking programa ng administrasyong Duterte, lalo na ang “Build, Build, Build” infrastructure program. Kung hindi mapagtitibay ang Pambansang Budget ngayong 2019 bago matapos ang unang bahagi ng taon sa Marso, hindi mailalabas ang planong P44 bilyon para sa mga proyekto.
Umaasa ang lahat noong Disyembre na mareresolba ng Senado at Mababang Kapulungan ang lahat ng kanilang ‘di pagkakaunawaan sa gitna ng buwang ito ng Enero upang maipatupad na ang 2019 National Appriopriation Act. Ngunit matapos tanggalin ng Senado ang mga ikinonsidera nitong “pork barrel”, na isiningit ng mga kongresista sa panukalang budget, inanunsiyo ng Mababang Kapulungan na gagamitin na rin nito ngayon ang pagkakataon para siyasatin ang bersiyon ng Senado upang alisin ang pinaniniwalaan nilang sariling “pork barrel” ng mga senador.
Maiintindihan nating ginagawa lamang ng mga senador at kongresista ang kanilang tungkulin na masusing siyasatin ang mungkahing pambansang budget, ngunit ang palitan ng mga bintang at paratang ay tila mas matindi ngayong taon, kung saan isang miyembro ng Kamara ang araw-araw at lantaran inaakusahan ang isang miyembro ng gabinete ng pagsisingit ng bilyong piso sa mga proyekto.
Ngayong naipasa na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang kanilang mga bersiyon ng panukalang budget, ang susunod na hakbang ay ang pagpupulong ng bicameral conference committee upang resolbahin ang mga pagkakaiba sa dalawang panukalang budget. Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na inaasahan na niya ang isang “madugong” komprontasyon sa pagitan ng mga senador at mga kongresista.
Gayunman, umaasa tayong hindi tatagal ang sesyon ng bicameral, na mabilis lamang na mareresolba ng magkabilang kapulungan ang kanilang mga pagkakaiba, at isang kasunduan ang mabilis na mabubuo, upang maipatupad na ang 2019 National Budget at ang lahat ng matagal nang naantalang proyekto para sa pagpapaunlad ng bansa ay maumpisahan na.