Muling gumawa ng kasaysayan ang Pilipinas sa larangan ng pageantry nang makuha ni Bb. Pilipinas Intercontinental Karen Gallman ang mailap na korona ng Miss Intercontinental—ang unang pagkakataon para sa bansa sa nakalipas na 47 taon.

Miss Intercontinental 2018 Karen Gallman

Miss Intercontinental 2018 Karen Gallman

Nangibabaw ang ganda at talino ng beauty queen mula sa Ubay, Bohol sa 84 na iba pang kandidata sa patimpalak, na idinaos sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, nitong Sabado ng gabi.

Tulad ni Miss Universe 2018 Catriona Gray, isa ring Filipino-Australian ang dalaga. Siya rin ang huling Binibini sa kasalukuyang batch ng mga nanalo na nakipaglaban sa international contest.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Sa final question and answer portion ng Miss Intercontinental 2018, tinanong ang top 3 finalist ng: “How do you define success?”

Sagot ni Karen: “For me, success is not just about winning in life but setting goals and achieving your dreams and working hard for everything you want, and always looking up to God and being thankful for everything. For me that is success.”

Sa preliminary ng patimpalak, nakuha na agad ng 5’6 ang taas na beauty queen ang dalawang special awards, ang Media's Choice at Standout Beauty (H&H Makeover Beauty Salon ni Wilbert Tolentino).

Wagi naman bilang 1st runner-up si Miss Costa Rica Adriana Moya Alvarado, 2nd runner-up si Miss Slovak Republic Laura Longauerova, 3rd runner-up si Miss Colombia Hillary Hollmann, 4th runner-up si Miss Vietnam Ngan Anh Au Le, at si Miss Ethiopia Bella Lire Lapso ang 5th runner-up.

Pasok din sa Top 20 semi-finals ang mga pambato ng Ghana, Japan, Malaysia, Myanmar, Thailand, Czech Republic, Germany, Hungary, Netherlands, Ukraine, Mexico, USA, Paraguay, at Ecuador.

Mula sa Top 20, bumaba sa anim ang bilang at pumasok sina: Miss Ethiopia (Continental Queen, Africa), Miss Philippines (Continental Queen, Asia and Oceania), Miss Slovak Republic (Continental Queen, Europe), Miss Costa Rica (Continental Queen, North America), at Miss Colombia (Continental Queen, South America). Habang wagi si Miss Vietnam sa People's Choice.

Nagsanay sa ilalim ng Kagandahang Flores beauty camp ni Rodgil Flores, engaged na ang 26-anyos si Karen sa kanyang long-time boyfriend na si Ian Galton.

Sa mga nakalipas na taon ng patimpalak, walang Pinay ang pinalad na makakuha ng titulo. Pinakamataas na nakuha ng bansa sa patimpalak ang 1st runner-up, na nasungkit nina Katarina Rodriguez (2017) at Christi Lynn McGarry (2015).

Sa MOA, present para kay Karen si Binibining Pilipinas Charities Inc. Chairperson Stella Marquez Araneta, ang asawa nitong si Jorge Araneta, ang President at CEO ng Araneta Group; si BPCI Executive Committee Vice Chairperson Conchitina Sevilla Bernardo, sina Raymund Villanueva at Betsy Westendorp de Brias.

HOME ADVANTAGE

Samantala, nabanggit din ni Karen, dating trade analyst sa London, na isang advantage para sa kanya na sa bansa idinaos ang patimpalak.

“I guess in a way it’s also an advantage that it’s being held here in the Philippines because I will have my supporters supporting me on pageant night, so I am very excited for that. At the same time I prepared so hard, it’s been very challenging and been very busy for me especially these holidays,” pahayag ni Karen.

“I am going into the competition really prepared for anything,” sabi ni Karen.

Setyembre 2018 nang itinalaga si Karen ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process bilang isa sa mga peace ambassadors.

Bahagi naman ng kanyang adbokasiya ang pagsusulong ng kapayapaan, edukasyon at kapakanan ng mga bata.

Robert R. Requintina