“TAKOT sa asawa!” Ito ang nakangiting isinagot ni Robin Padilla nang tanungin kung ano ang pagkakahawig ng ugali nila ni retired Gen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Robin Padilla copy

“Sabi kasi ni General, hanggang four star lang siya, ‘yung asawa niya 5-star general. Hangga’t maari, hindi siya puwedeng awayin ng asawa niya. Hindi naman dahil masama ‘yun, kundi dahil commitment kasi ‘yun. Commitment ‘yun ng isang lalaki talaga,” sabi ni Robin.

Totoo naman dahil laging ‘yes babe’ si Robin sa asawang si Mariel Rodriguez-Padilla kapag may lambing sa kanya ang isa sa host ng It’s Showtime.

Tsika at Intriga

Elijah Canlas, Miles Ocampo plano nang magpakasal?

Pero kapag ang aktor naman ang may pakiusap sa kanyang ‘babe’ ay hindi na nito kailangang ulitin pa.

Tulad ng kuwento ni Robin na nu’ng nagsabi siya kay Mariel na last shooting day na nila sa pelikulang Bato, The General Ronald dela Rosa Story ay gusto sana niyang busugin ang lahat ng taong naghirap sa pelikula.

Agad-agad na naghanda raw si Mariel ng pang-breakfast, lunch, dinner, meryenda in between at early morning breakfast pa ng kinabukasan.

Ganu’n daw ka-sweet ang asawa ni Binoe, kaya naman talagang aminado siyang lagi siyang naka-‘yes babe’ kay Mariel.

Ideal tatay din si Robin sa lahat ng mga anak niya, dahil maski na wala na sa poder niya ang mga ito at may kanya-kanyang pamilya na ay hindi pa rin nawawala ang tulong ng aktor na ibinibigay sa kanila.

Anyway, ang hininging talent fee ni Robin sa pelikulang Bato ay hindi monetary kundi rights ng buhay ng dating Philippine National Police (PNP) Chief, dahil gagawin niya ang pelikula para sa Netflix.

“Kasi uso ngayon ‘yung Netflix, kaya iyon ang naging deal naming. Kukunin ang rights ng buhay ni Bato, imbes na monetary,” kuwento ng aktor.

Ayaw kasing magpabayad ni Robin basta para sa kaibigan, at base rin sa paniniwala niya sa taong tinutulungan niya.

Ang katwiran daw ng manager niyang si Betchay Vidanes: “Itsa-charge ko ito kasi pelikula ‘to, hindi naman pupuwedeng hindi tayo mag-charge kasi baka maging ganyan na lang tayo? Lahat na lang ng kaibigan mo, libre ka? Anong gagawin natin?

“Sabi ko kay Betchay, ‘ganito na lang, puwede bang mag-charge ka ng para sa opisina, sa ‘yo (komisyon), ‘yung sa akin (talent fee), kunin mo na lang ‘yung rights ng buhay ni Bato’,” kuwento ni Binoe.

Nagkasundo naman kaagad ang magkabilang kampo kaya ginawa na kaagad ang pelikula.

Action ang forte ng aktor kaya sisiw lang sa kanya ang mga eksena sa pelikula, pero nu’ng sinabing humagulgol siya ay talagang natigilan siya. Dahil ni minsan sa mga pelikulang ginawa niya ay hindi pa siya nakagawa ng ganitong eksena.

At base rin sa pagkakakilala namin kay Robin ay hindi namin siya nakita pang humagulgol. Nakita na namin siyang umiyak, tumutulo ang luha at kaagad niyang pupunasan.

“Matindi ‘yung risk na nagbigay ako sa gusto ng direktor (Adolf Alix, Jr.) naming humagulgol ako, Robin Padilla ako, hindi ko ginagawa ‘yun. Pinag-aralan talaga namin ‘yung eksena namin, ilang takes. Bago ako kinunan, minotivate ako,” pagtatapat ng aktor.

Kilala kasing iyakin si General Bato, eh hindi naman iyakin ang aktor, kaya ito lang ang pagkakaiba sa ugali nila.

Samantala, klinaro rin ni Robin na hindi niya ginaya nang buo si Bato.

“Sabi ko, ‘Direk, hindi po ako impersonator ni Bato. Artista po ako. Ayoko ng gagayahin natin ’yung mga ganito, ganito, hindi ko po kaya ’yun. Kailangang bigyan mo rin ako ng 50%, sarili kong interpretation at kung sino si Bato’. Kasi, kung gagayahin natin si Bato talaga, eh, kumuha tayo ng talagang kamukha ni Bato,’” pahayag ng aktor.

Mapapanood na ang Bato, The General Ronald dela Rosa Story sa Enero 30, produced ng ALV Films, BENCHingko at release ng Regal Entertainment na idinirek ni Adolf Alix, Jr.

Pawang kaibigan ni Robin ang mga kasama niya sa pelikula, na para sa kanya ay reunion nila, tulad nina Efren Reyes, Jr., Mon Confiado, Joko Diaz, Jun Hidalgo, Gardo Versoza, Jess Mendoza, Alvin Anson, Ricky Davao, at Gina Alajar. Kasama rin sina Beauty Gonzales, Archie Alemania, Kiko Matos, Chanel Morales, Polo Ravales, at Kiko Estrada.

-REGGEE BONOAN