HINIHIKAYAT ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga makikilahok sa paglulunsad ng rehabilitasyon ng Manila sa Baywalk sa Linggo na simulan ang paggamit ng mga reusable na lalagyan sa pagbabaon ng mga pagkain at tubig.

“We’re encouraging them to bring their own reusable containers, like bottles for water they’ll drink during the launch,” paghihikayat ni DENR Strategic Alliance and Environmental Partnership Division Chief Raymond Virgino.

Ayon kay Virgino, ang pagsusulong nila ng paggamit ng mga reusables ay dahil maaaring mapadpad sa Manila Bay ang mga plastik at papel na lalagyan na itinatapon ng mga tao matapos gamitin, at nakakadagdag sa polusyon sa tubig at nagpaparami sa tambak na ngang basura.

“Drinking from and packing food in reusable containers instead will help reduce such volume and pollution in Manila Bay,” saad pa ng opisyal.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Patuloy namang nagpaalala ang mga awtoridad laban sa mga sakit na maaaring makuha mula sa tubig ng Manila Bay, lalo na dahil ayon sa DENR, ang ilang dekada nang pagdaloy ng basura at maruming tubig sa lawa ay nagpataas sa antas ng coliform bacteria roon sa mahigit 330 million most probable number (MPN) per 100 milliliters.

Ang ligtas na coliform level ay nasa 100 MPN kada 100 milliliters, ayon sa DENR.

Layunin ng kagawaran at ng mga katuwang nitong sektor na maibaba ang coliform level sa Manila Bay sa ligtas na antas. Ayon sa mga eksperto, matatagpuan ang coliform bacteria sa dumi ng mga tao at hayop, at ang kontaminadong tubig ay maaaring magdulot ng karamdaman.

Nakaangkla ang rehabilitasyon ng Manila Bay sa desisyon ng Korte Suprema noon pang 2008 na nag-uutos sa 13 ahensiya ng pamahalaan na linisin, ayusin, at pangalagaan ang Manila Bay.

Ayon pa kay Virgino, bukod sa mga katuwang na sektor, inimbitahan din nila sa paglulunsad ng rehabilitasyon ang iba’t ibang stakeholders, lokal na pamahalaan, iba’t ibang industriya, at mga paaralan upang lumahok sa pagdiriwang.

Inaasahang makikibahagi sa paglulunsad ng programa sina Environment Secretary Roy Cimatu, Interior Secretary Eduardo Año, at Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

Ang kalihim din ng DENR ang nakatakdang opisyal na magdeklara ng pagsisimula ng rehabilitasyon ng Manila Bay, kung saan magkakaroon ng sabay-sabay na clean-up activities sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon.

PNA