BAGAMAT walang kasiguraduhan, itinuturing ni Thirdy Ravena na isang malaking karangalan ang bibihirang pagkakataon na maimbita upang makadama sa pool ng Philippine Men’s National Basketball Team na naghahanda para sa final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
“It’s a great honor na ma-lineup sa national team,” anang 23 for 2023 Gilas cadet kung kaya sobrang laking pasasalamat nya sa pagkakataong ibinigay sa kanya ni national coach Yeng Guiao.
Noong nakaraang Enero 15, inilahad na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang14-man pool member.
Dapat sana ay kabilang doon si Ravena, ngunit hindi nila nagawa dahil wala pa itong clearance mula sa Ateneo.
Pero kung tatanungin ang kanyang coach na si Tab Baldwin, walang problema dito dahil naniniwala syang makakatulong pa ito sa kanyang manlalaro.
“Where there’s priority for the national team, it’s important that players can be available. We support that,” ani Baldwin. “I don’t know if the decision has been made by Father [Jett Villarin – school president] because they will have to work the academic issues.”
“But from a basketball standpoint, we support that. I’m happy for him.”
Sa ngayon, gaya ng sinabi ni Guiao, si Ravena ay nagsisilbing back up para sa mga injured na miyembro ng pool na sina Troy Rosario at Rasymund Almazan.
Nagpapagaling si Rosario ng kanyang basag na ilong habang may iniinda si Almazan na sprained ankle.
“Siya ‘yung back-up natin for Troy and Raymond just in case any of the guys can’t make it, siya ‘yng magfi-fill up nung slot,” wika ni Guiao.
Sa kabila nito, ayon kay Guiao ay hindi nya inaalis ang posibilidad na masama ang 2-time UAAP Finals MVP sa final line-up ng Gilas sa sixth window ng World Cup qualifiers kontra Qatar sa Pebrero 21 at Kazakhstan sa Pebrero 24.
“Sinabi ko na sa kanya right off the bat para alam niya ‘yung expectations niya. Of course, in the process of practicing, I do not also take away the possibility of him showing that he deserves a regular spot in the team instead of being a back-up option.”
-Marivic Awitan