ISANG karaniwang araw ang ika-23 ng Enero 2019. Ngunit sa kasaysayan ng Pilipinas, masasabing natatangi ang Enero 23 sapagkat sa araw na ito itinatag ang Unang Republika ng Pilipinas –itinuturing na unang demokrasya sa Asya. Sa nakalipas na mga taon, sa paggunita sa ika- 23 ng Enero, ang sentro ng pagdiriwang ay sa Malolos, Bulacan, na isa nang lungsod ngayon. Sa pagdiriwang noon, tampok ang makukulay at makahulugang gawain. Sinasariwa ang naturang natatanging pangyayari sa Pilipinas.
Ang Unang Republika ay nagtagal ng isang taon at tatlong buwan. Natatangi naman ito sapagkat mula sa abo ng Himagsikan ay sumilang ang Unang Republika ng Pilipinas na naging sagisag ng pagpupunyagi ng mga Pilipino noon na malagot o maputol ang tanikala ng pang-aalipin at pang-aapi ng mga dayuhan.
Ayon sa kasaysayan, noong umaga ng Enero 23, 1899, matapos ang proklamasyon ng Malolos Constitution, pinasinayaan ang Unang Republika ng Pilipinas. Sa pangunguna ni Presidente Emilio Aguinaldo, libu-libong tao mula sa Maynila at karatig-lalawigan ang nagtungo sa Malolos, Bulacan upang saksihan ang makasaysayang pangyayari. Naging parang pista noon sa Malolos, Bulacan lalo na sa simbahan ng Barasoin, na ang paligid ay may itinayong mga arko at iba’t ibang dekorasyon. Ang mga bahay na malapit sa simbahan ay sinabitan ng mga bandila.
Sa ating Republika, maraming naging pangulo ng bansa ang nahalal at namahala. May kanya-kanyang paraan ng pamamahala upang ang Pilipinas ay umunlad. Sa pamamahala ng mga naging pangulo ng Pilipinas, naging gabay at pangarap nila na magpatuloy sa pag-unlad ang bansa. May mga nagtagumpay, ngunit may isang naging pangulo na nang malapit nang matapos ang panunungkulan ay nagpairal ng martial law.
Makalipas ang 14 na taon, nang hindi na matagalan ng mga Pilipino ang panunupil sa kalayaan at karapatan, pinabagsak ang diktaduryang pamamahala sa pamamagitan ng isang Himagsikan na walang dugong dumanak at nasawi. Napatalsik at napalayas ang diktador. Sa pamamagitan ng makasaysayang 1986 EDSAPeople Power Revolution. Isang natatanging Himagsikan, na ang ginamit na sandata ng mga Pilipino ay pagkakaisa, dasal at mga bulaklak na inilagay sa dulo ng baril ng mga sundalo.
Sa mga naging pangulo ng Pilipinas, sa kabila ng pagiging malaya ng ating bansa, ay hindi rin naiwasan na maging sunud-sunuran sa dikta ng Imperyalistang Amerikano. Sa mga kasunduan na pinagtibay at nilagdaan, nagulangan at laging dehado ang ating bansa sa kasunduan sa ekonomiya, kalakal, at industriya. Ayon sa ating mga kababayan at mga leader na maalab ang pagmamahal sa bayan, naiisahan lagi tayo ng mga dayuhan.
Sa ngayon, sa kasalukuyang rehimeng Duterte, marami tayong kababayan na nagmamasid at naghihintay sa magiging kapalaran ng Pilipinas. Sa kabila ng sinasabing umuunlad ang ekonomiya, patuloy na nadaragdagan ang mahihirap. Hindi pa rin makabangon sa buhay. Patuloy na nasasagasaan ng inflation. Sa kabila nito, patuloy na nagsisikap upang kahit paano ay maibsan ang kahirapan.
Buo ang pag-asa na sa kasalukuyang rehimen, ang nalalabi nitong tatlong taon sa panunungkulan, ay maibabangon ang marami nating kababayan mula sa kahirapan. Marinig man nilang nagmumura pa rin ang pangulo, ang pag-asa nilang gaganda ang buhay ay hindi naglalaho. Gayundin ang patuloy na pananalig sa Dakilang Lumikha.
-Clemen Bautista