Pinatay ng mga hindi nakilalang lalaki ang deputy chief of police ng isang presinto sa Bacolod City, Negros Occidental ngayong Sabado ng umaga, kaya naman umigting ang espekulasyon sa posibilidad na may pattern sa serye ng pamamaslang sa mga pulis, makaraang dalawa pang pulis ang pinatay sa Quezon City at Batangas kahapon.

pnp

Gayunman, kaagad na pinabulaanan ni Senior Supt. Bernard Banac, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), ang mga espekulasyon, sinabing ang sunud-sunod na pagkamatay ng mga pulis ay bahagi ng panganib ng paglilingkod sa pulisya.

“These are isolated incidents. But these are all under investigation to identify and arrest those responsible,” ani Banac.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bandang 7:30 ng umaga ngayong Sabado nang pagbabarilin si SPO4 Oscar Exaltado, deputy chief of police ng Bacolod City Police-Station 6, sa harap ng isang high school sa Barangay Singcang Airport sa Bacolod City.

Dakong 7:00 ng gabi naman nitong Biyernes nang rapiduhin din si PO1 Crispin Cartagenas y Agraviador, ng Quezon City Police District-District Special Operation Unit, ng hindi nakilalang riding-in-tandem sa Kamias Road, Bgy. Pinyahan. Quezon City.

Nauna rito, bandang 5:30 ng umaga kahapon din nang barilin at mapatay ng nag-iisang suspek si PO3 John Melver Leyco, nakatalaga sa Sto. Tomas Municipal Police, habang sakay sa kanyang kotse sa Bgy. Poblacion 4 sa Tanauan City, Batangas.

Ayon kay Banac, kasama ang pagpatay sa panganib ng pagiging pulis, lalo na simula nang paigtingin ang kampanya kontra ilegal na droga.

“Our personnel have been told long before that they need to be extra careful,” sabi ni Banac.

Aaron B. Recuenco