Binaril at napatay ang umano’y rapist ng walong buwang babae sa loob ng tanggapan ng hepe ng Malate Police Station, matapos umanong agawin ang baril ng duty jailer nitong Huwebes ng gabi.
Dead on arrival sa Ospital ng Maynila si Benedicto Dizon, alyas "Jumong", 22, ng Leveriza Street, Malate, nang dalawang beses barilin sa dibdib ni Supt. Bobby Glenn Ganipac, hepe ng Malate Police Station 9.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Richard Escarlan, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang insidente sa mismong tanggapan ni Ganipac, dakong 9:30 ng gabi.
Una rito, tinawag-pansin ni John Gilbert, mayor ng kulungan, si PO1 Dennis Javier, duty jailer, dahil inirereklamo ni Dizon ang pananakit ng ulo at hirap sa paghinga makaraang saktan ng mga kaanak ng sanggol na umano’y minolestiya nito.
Agad na inilabas ni Javier si Dizon at dinala sa tanggapan ni Ganipac, upang uminom ng kape.
Tinanggal ni Javier ang posas ni Dizon at biglang inagaw umano ng suspek ang baril ng duty jailer.
Binaril ng suspek ang pulis, ngunit masuwerteng hindi tinamaan.
Dahil dito, hindi na nag-aksaya ng panahon si Ganipac at binaril si Dizon.
Matatandaang inaresto si Dizon nang ireklamo ng 16-anyos na ginang dahil sa umano’y panghahalay sa anak nitong walong buwan lang.
Mary Ann Santiago